PINAHINTULUTAN ng korte na makalabas ng bansa si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.
Ito ay kaugnay sa kinakaharap niyang kasong electoral sabotage sa Pasay City court.
Sa ipinalabas na release order ni Pasay City Regional Trial Court (RCT) Branch 112 Presiding Judge Jesus Mupas, pinayagan ng korte na makabiyahe patungo sa Japan, Hong Kong at Myanmar ang dating pangulo mula 26 Disyembre 2017 hanggang 12 Enero 2018.
Kahapon ng hapon, nilagdaan ni Judge Mupas ang order makaraan magsumite ang mga abogado ni Arroyo na sina Ferdinand Topacio at Joselito Lomangaya, ng ”very urgent supplemental motion for leave to travel abroad” nitong Miyerkoles.
Agad nagbayad ng halagang P700,000 travel bond ang kampo ni Arroyo sa korte.
Matatandaan, nitong Nobyembre ay nagsumite ng mosyon sa naturang sala ang kampo ni Arroyo para makalabas siya ng bansa.
Si Arroyo ay sinampahan ng kasong electoral sabotage dahil sa pagkakasangkot sa dayaan ng eleksiyon sa Mindanao noong 2007.
(JAJA GARCIA)