AMINADO man na mas matitikas at mas matatatag ang makahaharap sa PBA Developmental League, sabik na sabik pa rin si CJ Perez na makilatis sila pagtuntong sa naturang semi-professional na liga.
Sasalang ang Season 93 Most Valuable Player ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa kauna-unahang pagkakataon sa DLeague kasama ang kanyang mga kasangga sa Lyceum Pirates.
Nakipag-anib ang Lyceum sa DLeague team na Zark’s Jaw Breakers para sa nalalapit na Aspirants’ Cup.
Kagagaling sa masalimuot na kabiguan sa NCAA Season 93 Finals kontra San Beda, sisikaping makabawi ng Lyceum sa panibagong misyong nakaatang sa kanila.
Ngunit maging si Perez ay aminadong hindi ito magiging madali.
“Mas pisikal doon. Mas depensahan talaga kaya pinaghahandaan na namin iyon.”
Sa kabila nito, hindi niya maitago ang pagkasabik lalo na’t tsansa nila ito upang makapaghanda sa paparating na NCAA Season 94.
“Excited lang maka-experience doon kasi mga dating PBA nandoon tapos mas matatanda sa amin. Magandang experience ito sa amin kasi iba ‘yung NCAA sa DLeague e.”
Magsisimula ang DLeague Aspirants Cup sa 18 ng Enero.
Ngayong araw ay may tsansa ang Zark’s Lyceum na palakasin pang lalo ang koponan sa Rookie Draft na gaganapin sa PBA Cafe.
Nakareserba ang ika-limang pick para sa Zark’s Lyceum.
(JBU)