INAMIN ni Communications Secretary Martin Andanar na konektado sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang isang blogger na bumatikos sa isang kolumnista ng Hataw na nakatatanggap ng death threats nitong mga nakaraang araw.
Sinabi ni Andanar, si Paul Farol, may blog na getrealphilippines.com, ang namamahala sa “news conferences” ng PCOO.
Sa kanyang blog, ilang beses binatikos ni Farol ang kolumnista ng Hataw na si Mat Vicencio gayondin ang reporter ng Bandera na si Bella Cariaso naging kritikal kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Egco sa kanilang mga kolum sa kani-kanilang pahayagan.
Tiniyak ni Andanar, kakausapin niya si Farol hinggil sa isyu.
Bukod sa blog na getrealphilippines.com, nakabalandra rin sa kanyang social media account na siya ay nangangalaga ng iba’t ibang social media pages na pawang may kaugnayan sa pa-momolitika.
Ilan dito ang Tito Badoy na may 24,347 likers; Paul Farol, 19,792 likers; Social Media Soup, 12,698 likers; Pinoy Buzz, 9,558 likers; 1911 PR, 956 likers; at Social Media Soapbox, 92 likers.
Ayon sa ilang source, inilalako ni Farol ang nasabing social media pages sa mga inaalok niya ng kanyang serbisyo bilang PR practitioner.
Sa press briefing noong Lunes sa Palasyo, isiniwalat ni Cariaso kay Presidential Spokesman Harry Roque ang aniya’y pangha-harass ng “blogger” laban sa kanya matapos niyang isulat na nakatanggap ng death threats si Vicencio na hinihinalang mula kay Egco o sa kanyang mga kasamahan.
“Sir, hindi niya puwedeng i-deny, ni Usec. Egco na hindi galing sa kaniya iyong…pangha-harass noong blogger against sa akin saka… editor-in-chief ko sir. So… hindi naman ako nagpe-personal sir. Ginagawa ko lang iyong trabaho ko. Kasi ang tanong ko — sa column ko kasi sir… sinulat ko na tinatanong ko kung ano ang accomplishment(s) niya… as Presidential Task Force (on Media Safety),” ani Cariaso.
Tiniyak ni Roque, bilang presidential adviser on human rights, iimbestigahan niya ang hinaing ni Cariaso.
Payo ni Roque sa mga opisyal at kawani ng gobyerno, huwag maging balat-sibuyas sa mga pagbatikos ng media.
Sinabi ni Roque, dapat gayahin ng mga opisyal ng pamahalaan si Pangulong Rodrigo Duterte na kahit inuulan ng kritisismo mula sa media, ni minsan ay hindi nagsampa ng kasong libel laban sa mamamahayag.
“I think we should heed the example of President Duterte himself. President Duterte, I’ve said it time and again has never filed any libel case. He knows out of his very long years in public service, that public official should not be onion-skinned,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)