INIUTOS ni National Capital Region Police Office chief, Director Oscar Albayalde sa hepe ng Caloocan City Police ang pagsibak sa puwesto sa mga pulis na sinasabing sangkot sa pagpaslang sa isang lalaking kanilang hinuli dahil sa hindi pagsusuot ng damit pang-itaas sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa NCRPO chief, inatasan niya si Caloocan City Police chief, Senior Supt. Jemar Modequillo na italaga si Chief Inspector Hector Narciso Cajilles, hepe ng Station 6, at pitong mga tauhan sa headquarters.
Sa pagtatapos ng 970 pulis-Caloocan na sumailalim sa pagsasanay, sinabi ni Albayalde, kai-langan dalhin sa headquarters ang mga sangkot sa insidente ng pagpatay sa biktima hanggang matapos ang imbestigasyon sa kanila.
Iniutos ni Albayalde kay Modequillo na imbestigahan ang krimen at sampahan ng kaso ang mga pulis kung kinakailangan.
Ayon kay Albayalde, ayaw niyang husgahan ang kanyang mga tauhan dahil hindi lahat ng operasyon ay may kasalanan ang pulis.
Bumababa umano ang moral ng mga pulis kapag agad silang hinuhusgahan.
Inatasan din ni Albayalde ang Regional Internal Affairs Service na magsagawa ng kanilang imbestigasyon sa insidente.
Sinasabing sinita ng mga pulis ang biktimang si Mario Balagtas ng Brgy. 178, North Caloocan City, dahil walang suot pang-itaas habang nasa kalsada kasama ang iba pang kalalakihan.
Ayon kay Cajilles, tumakbo sa kanyang bahay si Balagtas at ikinandado hanggang makarinig siya nang sunod-sunod na putok ng baril.
Sabi ng mga pulis, namaril umano si Balagtas kaya’t gumanti sila ng putok na ikinamatay ng biktima.
ni JAJA GARCIA