BINIGO ng Bureau of Immigration (BI) officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tangka ng human trafficking syndicate na papuslitin ang dalawang illegal Chinese nationals patungo sa United Kingdom, gamit ang Maynila bilang jump-off point.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ni BI port operations division (POD) chief Marc Red Mariñas ang mga pasahero na sina Lin Chen Hui, 29, at Chen Huajuan, 27.
Sinabi ni Mariñas, ang dalawang Chinese ay nasabat nitong Huwebes sa NAIA 2 terminal ng mga operatiba ng BI travel control and enforcement unit (TCEU) habang pasakay sa Philippine Airlines patungo sa London.
“They earlier arrived as transit passengers from Dubai and were already at the boarding gate when the BI officers were alerted by airline personnel on their attempted departure,” pahayag ni Mariñas.
Dagdag niya, bagama’t nagpakita ang mga pasahero ng Chinese passports sa pagsakay sa eroplano patungo sa Maynila, kalaunan ay inilabas nila ang kanilang tampered Macau Special Administrative Region passports na intensiyong gamitin para ilegal na makapasok sa UK.
“We have already alerted members of our border control and intelligence unit to be extra vigilant in monitoring arriving foreigners, especially transit passengers bound for other countries,” dagdag ni Mariñas.
Bunsod ng insidente, iniutos ni Morente na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa kaso, kabilang ang posibleng pagkakasangkot ng airport personnel sa napigilang human traficking operation.
Kasabay nito, iniutos ni Morente sa POD legal section na pag-aralan ang posibilidad na pagsasampa ng kasong kriminal sa mga dayuhan kaugnay sa paglabag sa Trafficking In Persons Act.
Sinabi ni Mariñas, ang Chinese nationals ay kasalukuyang nakapiit sa holding facility ng paliparan habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Samantala, isiniwalat din ni Mariñas ang mga kaso ng Chinese nationals na may pekeng travel papers, na ipinuslit sa UK at iba pang Western countries, at agad humingi ng asylum pagdating sa kanilang destinasyon. (JSY)