SALUNGAT sa isinusulong na drug war ng administrasyong Duterte ang pagtapyas ng Senado ng P1.4 bilyon sa anti-illegal drugs campaign.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon, kahit hindi pa lumulusot sa bicameral conference ang 2018 national budget, ang pagtanggal sa pondo ng drug war ay mapanganib sa kampanya kontra droga.
“Well obviously, the president needs to fund his pet undertakings and the drug war… It will have of course adverse effect if he does not have the funding to implement this war on drugs,” ayon kay Roque
“I’m sure the PNP (Philippine National Police) will be asked for its opinion… I myself have not gone through the Senate version of the budget,” aniya.
Naging kontrobersiyal ang drug war ng administrasyon sa loob at labas ng bansa dahil umaabot sa 3,900 drug suspects ang napatay sa police anti-drugs operations sa katuwiran na ‘nanlaban’ sila sa mga awtoridad habang dinadakip.
Makaraan ang pagpatay ng mga kagawad ng Caloocan police sa teenager na si Kian delos Santos, tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulisya ang kontrol sa drug war at ibinigay sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Noong nakaraang linggo, inihayag ng Pangulo na ibabalik niya sa PNP ang drug war dahil tumataas muli ang insidente ng drug-related crimes.
(ROSE NOVENARIO)