PAPATAYIN ng militar si Pangulong Rodrigo Duterte kapag pumasok siya sa coalition government na hirit ng mga rebeldeng komunista.
Sinabi ng Pangulo, hindi pinag-uusapan ang kanyang popularidad sa pakikipag-usap sa mga rebeldeng komunista kaya mas minabuti niyang sundin ang nais ng militar at taong bayan kaysa ilarga ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
“Papatayin ako. Sigurado ‘yan. No popularity here… no, no. The forces of government would not like it and the people would not like it. So wala akong magawa. Sabi ko, ‘Let us go separate ways,’” anang Pangulo sa talumpati sa Cavite City kamakalawa ng gabi.
Paliwanag niya, nang pinag-aaralan ang mga dokumento kaugnay sa peace talks sa NDF, nabuko niya na coalition government ang isinusulong ng mga rebeldeng komunista.
“I would sum up something like a coalition government. I said, I cannot give what I do not own because that is sovereignty. And the law requires, the Constitution, that if you want to hold the sovereignty of a nation, you must be elected by the people,” aniya.
Pagbibigyan niya ang nais na digmaan ng rebeldeng grupo dahil ito naman ang kanilang ginagawa sa nakalipas na limang dekada.
“But I have discontinued the peace talks…and if we have to go to war, we go to war,” sabi niya.
Binabalangkas na aniya ang isang executive order na magdedeklara sa CPP-NPA-NDF bilang terrorist organization. Kamakailan, nilagdaan ng Pangulo ang Proclamation 360, na nagtuldok sa peace talks ng gobyerno sa mga rebeldeng komunistang grupo.
(ROSE NOVENARIO)