HALOS mabingi kami sa tili at sigawan ng napa karaming fans na nagtungo sa album launching cum concert ng McLisse na ginanap noong Linggo sa SM Skydome.
Bukod sa sangkatutak na fans nina McCoy De Leon at Elisse Joson, sinuportahan din ang kanilang album launching ng kani-kanilang pamilya. Sinuportahan din sila ng mga kaibigang sina Marlo Mortel, Kristel Fulgar na nagbigay ng ilang awitin; Mayward, Michelle Vito at iba pa.
Bago lumabas ang McLisse, nagkaroon muna ng games handog ng mga produktong sumusuporta sa kanilang tambalan, ang Vivo at Sisters ng Megasoft.
Ayon kay Mccoy, lahat ng kantang nakapaloob sa kanilang album ay mula sa kanilang puso bagamat covers ang mga iyon.
“Hindi ako makapaniwala na mangyayari ito sa buong buhay ko,” ani McCoy. “Nakilala nga kita, kung saan ka masaya roon ako,” giit nito na ikinakilig ng fans.
May kaalaman sa paggigitara ang binata kaya naman hindi nakapagtataka na isa sa wish niya’y makapag-compose sila ng sarili niyang awitin sa susunod nilang album ni Elisse.
At dahil super sweet talaga sila at may mga hugot ang kantang nasa album, natanong ang dalawa kung kailan sila aamin? Susundan ba nila ang ginawang pag-amin o pambubuko sa JoshLia (Joshua Garcia at Julia Barretto)? Ikinagulat nila ang tanong na iyon at tila ipinagkibit balikat.
Pero kung pagbabasehan ang kanilang mga aksiyon, hindi na kailangang tanungin ang dalawa. ‘Ika nga, action speaks louder than words.
Ibinuking naman ni Elisse si McCoy sa pagsasabing mahilig manuyo ang binata sa kanya lalo’t kung may tampuhan sila. “Hindi natatapos ang isang araw na hindi namin naaayos ang anumang tampuhan, maliit man ‘yon.”
Sinabi naman ni McCoy na mahilig silang mag-foodtrip at si Elisse ang mahilig kumain.
Giit pa ni Elisse, “Si McCoy malambing sa paraang hindi siya showy pero kapag nag-effort siya todo-bigay.” Halimbawa nga nito ay ang puppy na ibinigay sa kanya na malaki na ngayon.
Sobra naman ang pasasalamat ni McCoy sa mga fan nilang nagtungo sa Skydome at sinabing, “Kinikilig ako sa suporta n’yo.”
Pag-amin naman ni McCoy, “Si Elise ang babaeng sobrang nagpapasaya sa akin.”
Ipinarinig ng McLisse ang mga kantang nakapaloob sa kanilang album tulad ng O Pag-ibig, Para lang Sa ‘Yo, Yakap at iba pa. Ipinakita rin ni McCoy ang galing niya sa pagsasayaw kasama ang kanyang kapatid na si Marson at ang kababatang si Nicole.
Ang album ng McLisse ay handog ng Star Music.
PAULO,
PINAHAHALAGAHAN
ANG ‘PAMANA’
NI COCO
MASAYA si Paulo Avelino na sa kanya ipinagkatiwala ng RDL Pharmaceutical Laboratory Inc., pag-aari ng pamilya ni Mercedita Lim ng Davao ang pagiging endorser ng isa sa produkto nila, ang RDL Papaya soap at ang pagiging cover ng maiden issue ng Revitalized Davao Lifestyle Magazine.
Ani Paulo, “Masaya ako kasi ang mga produktong ine-endorse ko ay mga produktong ginagamit ko talaga o gagamitin talaga. Kaya masaya ako na kahit paano ang mga naibibigay sa akin na produkto eh ginagamit ko rin.
“Ang mahalaga sa akin kapag nag-e-endorse ako eh, ‘yung nagagamit ko. Tsinek ko muna rin okey naman (produkto). And so far hindi naman sensitive ang skin ko at in fairness sa Papaya soap ng RDL mild lang siya at saka for everyday use talaga.”
Bago si Paulo, si Coco Martin muna ang naging endorser ng naturang produkto ng anim na taon kaya naman nilinaw ni Paulo na tinawagan o tinext niya ang actor bago tinanggap ang offer.
Sinabi ni Paulo na nagpasintabi muna siya kay Coco nang tanggapin niya ang RDL Papaya soap. “Kasi six years na dala ni Coco ‘yung brand eh. So parang six years ding inalagaan ni Coco eh. Parang feeling ko napamanaham ako. So medyo ingat din ako at gusto ko ring alagaan dahil ayoko namang sirain ang binuo ni Coco.
“Coco Martin is Coco Martin. Medyo nakahihiya nga na ako ang pumalit. Mabuti na rin siguro dahil nakita ko rin kung paano inalagaan ni Coco ang brand. Gusto ko ring ituloy ‘yun,” dagdag pa ni Paulo.
Samantala, ang Revitalized Davao Lifestyle (RDL) Magazine ay ang latest venture ng entrepreneur at innovator na si Ms. Mercedita lim ng MDCL Media & Events & Publisher ng RDL Magazine.
Ang maiden issue ay binuo at pinag-isipan ng mga manunulat mula Davao. Itinuon nila ang nilalaman ng magazine ukol sa kasalukuyang lifestyle ng Millennial Davaoeno’s ukol sa tourism, business, at entertainment.
Sa paglulunsad ng magazine, isa si Paulo sa dumalo kasama si Eric Santos na nagbigay ng magagandang awitin at si Kuya Boy Abunda naman ang nag-host. Ginawa ang launching ng magazine noong Lunes ng gabi sa Seda Vertis North.
Bukod sa magazine, itinampok din noong gabing iyon ang Merce Boutique, isang one stop souvenir and specialty shop na mabibili ang mga local Artisans ng Davao at local products na kanilang ipino-promote.
Mayroon ding mga imported bags at accessories gamit ang local leather at woven bags na nagpapakita ng summer colors native ng Davao.
Nagbukas na ang Merce sa D’Leonor Resort noong Setyembre samantalang ang kanilang branch sa White Plains ay nagbukas ngayong Nobyembre na dinaluhan ng kanilang Brand Ambassadors na sina Jane De Leon at Ced Torrecareon.
Ginanap din noong Lunes ng gabi ang pirmahan ng kontrata nina De Leon at Torrecareon.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio