SPECIAL session para talakayin ang panukalang Bangsamoro Basic Law ang ihihirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.
“Ang akin, it must be inclusive, lahat. Walang maiiwan dito sa peace talks na ito, MILF, MNLF, lahat na, Lumad, kailangan kasali,” ani Duterte sa talumpati sa kauna-unahang Bangsamoro Assembly sa Sultan, Kudarat, Maguindanao kahapon.
“I will work very hard for it. I will ask Congress to [convene] a special session just to hear you talk about this. Sabi ko, sagrado ito, importante ito, at mahalaga ito,” dagdag niya.
Hindi tinukoy ng pa-ngulo kung anong petsa niya gusto isagawa ang special session ng Kong-reso na nakatakdang magkaroon ng legislative break mula 16 Disyembre 2017 hanggang 14 Enero 2018.
Desidido ang Pangulo na tuparin ang kanyang pangako na suportahan ang mga hangarin ng mga mamamayang Moro na nakasaad sa panukalang BBL.
“I support you, that is my promise. Do not ever, ever question me. Delay? Of course, it entails delay…It takes forever to move. Somebody has to push it,” sabi niya.
Naunsiyami ang pagsasabatas sa BBL noong administrasyong Aquino makaraan ang Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos.
Napaulat na kasama ang ilang MILF fighters sa pumaslang sa SAF 44.
Ang BBL ang sana’y legal framework ng peace accord na nilagdaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
(ROSE NOVENARIO)