SINAMANTALA ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang kapabayaan ng gobyerno sa Madrasah school kaya nakapasok at nakapagpalakas ng puwersa sa Marawi City.
Ito ang inihayag kahapon ni Marawi City Mayor Jamul Gandamra sa press briefing sa Palasyo.
Sinabi ni Gandamra, nagbigay ng suportang pinansiyal ang ISIS sa mga Madrasah school upang ituro ang lihis na aral ng Islam o extremism sa mga kabataan kaya nakapagpalakas ng puwersa ang Maute Group.
“I would say na medyo mahina ang presensiya ng ating gobyerno roon, so I would say that we have to… right now we have to give more, of course attention, support. Kasi roon po nagkaroon ng gap, nagkaroon po ng opportunity ang mga grupong ito na nagbigay ng support, let’s say financial support sa schools. And they were able to inculcate some principles and ideas, using of course ang religion na Islam. And of course, deviating from the usual, iyong talagang teaching of the true essence of Islam, so iyan po ay nagkaroon ng opportunity na — itong mga vulnerable members of the society ay na-entice to join this group,” ani Gandamra.
Hindi lang aniya hinggil sa relihiyong Islam ang dapat ituro sa Madrasah kundi ang “way of life.”
Magpapasa aniya ng resolusyon o ordinansa ang Marawi City Council upang i-regulate ang Madrasah schools sa lungsod nang hindi na maging instrumentong muli ng religious extremism.
“Ang city government of Marawi City and even I think the provincial government is now in the process of passing resolutions or ordinances to regulate, hindi ho para i-suppress iyong freedom of education or belief, kundi para ma-guide natin sila para maiwasan natin ang nangyari sa Marawi City,” anang alkalde.
Naniniwala si Gandamra na hindi lang responsibilidad ng gobyerno ang paglaban sa terorismo kundi maging ng bawat pamilya.
Aabot aniya sa P90-B ang magagastos ng pamahalaan upang maibangon ang Marawi City.
(ROSE NOVENARIO)