MAGDARAOS ngayong tanghali ng press conference ang Star Hotshots sa Ynares Arena sa Pasig at ipakikilala ang mga miyembro ng koponang lalaban sa 43rd season ng Philippine Basketball Association.
Siyempre, maraming excited sa prospects ng Hotshots na siyang second most popular team sa liga sa likod ng Barangay Ginebra. Hindi naman lalaro ang Star sa opening day na nakatakda sa Disyembre 17.
Bale sa Disyembre 25 pa sila lalaro sa tinaguriang Manila Clasico kung saan kaharap nila ang Gin Kings. Tiyak na dadagsain ang Christmas Day offering na ito.
Ang siste ay parang hindi naman nagsagawa ng malawakang pagbabago sa kanyang line-up si coach Chito Victolero at tanging ang Fil-Am na si Rob Herndon ang naidagdag.
E hindi naman malaki si Herndon at guwardiya lang ito. Parang kalabisan na nga siya sa koponan dahil sa napakarami na nilang guwardiya.
‘Nandyan sina Paul Lee, Mark Barroca, Jio Jalalon, Justin Melton at Peter June Simon na sinasabing nasa huling taon na niya sa PBA.
Kumbaga, si Herndon ay inaasahang papalit kay Simon sa susunod na season.
Pero dahll nga sa pareho pa rin ang mga big men ng Star paano sila lalaban sa mga higante ng ibang koponan gaya nina June Mar Fajardo ng San Miguel Beer, Greg Slaughter ng Barangay Gunebra, Moala Tautuaa ng TNT Katropa at iba pa?
Kailangang ipagpatuloy ng Hotshots ang kanilang sipag.
Kung sabagay, kahit ganito lang ang line-up nila ay nakarating sila sa semifinals ng tatlong conferences noong isang taon.
Kaya hundi naman naaalarma si Victolero dahil alam niyang kaya nilang umulit.
Ang problema ay baka hanggang semis lang ulit sila.
Ang talagang target nila ay makarating sa Finals, hindi ba?
At magkampeon!
SPORTS SHOCKED
ni Sabrina Pascua