MARAMING fans sa probinsiya ang pinasaya ni Coco Martin para sa kanyang Ang Panday Provincial Tour. Ang Ang Panday ang entry ng CCM Films, Viva Films, at StarCinema para sa 2017 Metro Manila Film Festival 2017 na magaganap sa December 25.
Noong Sabado, inuna nang dalawin ni Coco ang mga taga-Legazpi na talaga namang hindi magkamayaw sa pagsalubong sa kanya.
Pagdating pa lang niya ng Legaszpi airport, sinalubong na siya ng sangkatutak na banner at fans at pagkaraan ay nagtungo ng MOR Legazpi para sa kanyang radio guesting. Nagkaroon din ang Primetime King ng motorcade na talaga namang inabangan siya at masayang nakipagpakawayan at nakipag-piktyuran sa kanya. Mayroon din siyang mall show kasama ang iba pang mga bida sa Ang Panday.
Punumpuno ang Ayala Malls sa Legazpi at halos magiba na sa rami ng taong gustong makita ang pagkanta at pagsayaw ni Coco.
Bukod sa entertainment na dala ng grupo ng Ang Panday, namigay din sila ng Ang Panday merchandise.
Pagkatapos ng Legazpi, ang Dagupan naman ang tinungo ni Coco kahapon na sa motorcade pa lang ay sinagupa na siya ng sangkaterbang fans. Habang nililibot ni Coco at ng kanyang grupo ang Dagupan, kumakanta ang mga iyon habang naghahagis ng T-shirt kaya naman lalong kinilig at nagkagulo ang mga taong sumalubong sa kanya.
Tinungo ni Coco at ng kanyang grupo sa Dagupan ang SM Rosales para roon naman makapiling ang mga naghihintay sa kanya.
Abangan next week kung saan pa tutungo ng Hari ng Pelikula at grupo nito para sa kanilang Ang Panday Provincial tour.
CARLA HINANAP
ANG SARILI, SHOWBIZ
INAKALANG ‘DI PARA
SA KANYA
MUNTIK na palang iwan ni Carla Humphries ang showbiz dahil akala niya’y hindi ito para sa kanya.
Aniya nang makausap namin bago ang presscon ng Smaller and Smaller Circles handog ng TBA Studios na mapapanood na sa December 6, kinailangan niyang mag-soul searching kaya naman umalis siya ng ‘Pinas at nagtungo ng Nice, France. Pinuntahan niya roon ang kanyang lola sa tatay (isang French American ang kanyang ama) na tumagal siya ng mahigit sa dalawang taon.
Kuwento ni Carla, sa pamamalagi niya sa Nice, nagkaroon siya ng pagkakataong mahanap ang iba pang mga kapamilya. Nagkaroon din siya ng karelasyon doon, isang French musician at producer. Subalit hindi iyon nagtagal at nauwi rin ang isa’t kalahating taon na relasyon sa hiwalayan.
Doon niya napagtantong bumalik ng ‘Pinas.
“There’s a point of my career na medyo ramdam ko na baka hindi ito para sa akin. Hindi ko masyadong nararamdaman ‘yung pagmamahal ng industriya for me, to be honest. Although I’m lucky to have people like you who always say kind words for me, but dumating sa point na baka hindi nga ito para sa akin.
“Kaya lumayas ako for a time, I fell in love, typical, na-heart-broken ako, bumalik ako at akala ko hindi na ako babalik kasi parang feeling ko, where do I belong in the industry?
“And noong time na nararamdaman ko, dumating itong project na ito sa akin, siyempre ibang karangalan na makasama ‘yung mga co-actor ko and Direk Raya (Martin, director ng Smaller and Smaller Circles) handpicked the cast and for me not have been in the scene for them to think of me, sobrang karangalan.”
Ikinatuwa ni Carla ang pagkakapili sa kanya ni Martin para gampanan niya ang role ng bidang babae na isang Journalist.
Ipinagpasalamat din ni Carla na nasama siya sa pelikula ni Sylvia Sanchez, ang Nay na ginampanan naman niya ang batang Sylvia. Lumalabas din siya sa Pusong Ligaw. ”Tapos one of my very close friend, Alessandra de Rossi wrote a script about ‘Diaries of 30 Something’ which talk about women in their 30’s and their struggles and I’m the youngest coming in their 30’s.
Sinabi pa ni Carla na, ”Sobrang quality ang projects starting with ‘Smaller and Smaller’ (na Grated A ng Cinema Evaluation Board) kasi roon na-revive ‘yung love ko for acting and to fight for staying in the industry.”
Si Carla si Joanna Bonifacio sa pelikula, journalist na dating estudyante ni Father Gus (Nonie Buencamino) at tutulong sa paglutas ng serial killing sa Payatas
“’Yung karakter ni Joanna ay based kay Ms. Batacan (sumulat ng novel na pinagbatayan ng pelikula), nagkaroon ako ng chance to meet her noong bumisita siya sa set nang nagsu-shooting kami sa Ateneo at siyempre nakakakaba to portray someone based sa real person at lalo pa writer ‘yung character na ‘yun.
“So, when I met her I was expecting na may specific siyang ibibilin na character o specific siyang expectation, pero sobrang generous ni Ms Batacan dahil talagang ramdam namin hindi lang sa film adaptation but also for may character dahil ibinigay niya ‘yung full trust sa team and to the actors. And they didn’t make me feel na baguhan ako or baka hindi ko ma-meet ‘yung expectations niya, actually very encouraging,” giit pa ni Carla.
Sa kabilang banda, napili naman ni Direk Martin si Carla dahil nakita niya ito sa 10,000 Hours na nagda-drama at nagkokomedya naman sa Bekikang. Sa mga palabas na ito humanga ang director sa kanyang versatility.
Sinabi pa ni Direk Martin na nagsasalita ng French si Carla na akma sa karakter na kailangan niya sa pelikula.
Masuwerte nga si Carla sa Smaller and Smaller Circles dahil magagaling na actor ang kasama niya tulad nina Noni, Ricky Davao, Christopher de Leon, Bembol Roco, Sid Lucero, at marami pang iba.
Sa Disyembre 6 na ito mapapanood na nakakuha ng R13 sa MTRCB.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio