IDEDEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) bilang isang terrorist organization at kasong paglabag sa Anti-Terror Law o Human Security Act at mga kasong kriminal ang isasampa laban sa mga pinuno at kasapi nito.
“I’ll be issuing a proclamation. I’ll remove them from the category of a legal entity or at least a semi-movement which would merit our attention, placing them pareho sa Amerika, terrorist,” ani Duterte sa press conference sa Davao City, kamakalawa ng gabi.
Anang Pangulo, sawa na siya sa paninira ng NPA sa mga ari-arian, pagsunog ng equipment, pagpatay sa mga inosenteng mamamayan, partikular ang apat na buwan sanggol na namatay sa ambush ng mga rebelde sa Agusan del Sur, kamakailan.
“Beginning from now, wala nang rebellion rebellion because rebellion is a [bailable] offense. We will file terroris[m], murder lahat, arson with murder,” dagdag niya.
Hindi na interesado ang Pangulo na ituloy ang naunsiyaming peace talks sa komunistang grupo at tutugisin sila ng puwersa ng pamahalaan bilang mga kriminal, hindi na bilang mula sa kilusan na may ipinaglalabang ideolohiya.
Bukod sa opensibang militar laban sa CPP-NPA, uutusan din ng Pangulo ang mga awtoridad na maglunsad ng crackdown laban sa mga pinuno at kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at iba pang makakaliwang grupo na aniya’y prente ng kilusang komunista.
“Now it’s a great conspiracy between itong mga BAYAN, pati ano… We will study and maybe, we will have a crackdown here somewhere. Nagsasawa na ako dito sa kalokohan nila,” aniya.
Matatandaan, noong nakalipas na Enero, tumanggi ang Amerika sa hirit ng gobyernong Duterte na alisin sa kanilang foreign terrorist organization (FTO) ang CPP-NPA, isa sa mga rekomendasyon na napagkasunduan ng pamahalaan ng Filipinas at National Democratic Front (NDF).
Ikinatuwiran ni US State Department deputy spokesperson Mark Toner, mahabang proseso ang pagdaraanan ng delisting sa FTO ng CPP-NPA at hindi basta-basta maisasakatuparan ng kanilang pamahalaan.
Unang idineklara ng US ang CPP-NPA bilang terrorist organization noong 9 Agosto 2002.
“The NPA had an active urban infrastructure to support its terrorist activities and, at times, used city-based assassination squads,” anang US State Department.
Giit ng US State Department, may kasaysayan ang CPP-NPA nang pag-atake sa mga interes ng Amerika sa Filipinas, kabilang ang pagpatay sa tatlong US servicemen sa Angeles City noong 1987, pagpatay kay JUSMAG Col. James Rowe noong 1989.
“FTOs are designated by the US Secretary of State in accordance with Section 219 of the Immigration and Nationality Act (INA). FTO designations play a critical role in the fight against terrorism and are an effective means of curtailing support for terrorist activities,” anang US government.
(ROSE NOVENARIO)