HINDI ikinaila ni Arjo Atayde na pressured siya sa bagong teleserye nilang mag-ina. Ito ay sa bagong handog ng GMO Unit (naghandog din noon ng The Greatest Love) ng ABS-CBN, ang Hanggang Saan na mapapanood na sa Nobyembre 27 sa Kapamilya Gold.
Ani Arjo, ”naka-pressured dahil pinagkatiwalaan kami. At the same time siguro hindi. Hindi ako napi-pressured dahil at the end of the day dahil nanay ko siya no choice, tutulungan niya ako at mag-ina ang role namin dito.”
Isang family drama ang unang pagsasamahan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo.
Ani Sylvia, ”Ang kaibahan ng Gloria na nanay sa ‘The Greatest Love’ eh hangang saan kayang tiisin ang anak na pasaway. This time, sa ‘Hanggang Saan,’ anong kayang gawin ng ina para sa anak? Sakripisyo ito ng ina para sa anak.”
Sa bagong teleserye, sasagutin nito kung hanggang saan nga ba ang kayang gawin ng isang ina para sa pagmamahal niya sa kanyang anak?
Isang naiibang kuwentong magbibigay ng bagong mukha sa pagmamahal ng mga ina.
Gagampanan ni Arjo ang papel ni Paco. Isang matalino at maaasahan na kasalukuyang kumukuha ng abogasiya at nagsusumikap na mabigyan ng mas komportableng buhay ang pamilya.
Makikilala rin nila ang mag-inang sina Jean (Teresa Loyzaga) at Anna (Sue Ramirez) na magiging malapit nilang mga kaibigan at babago sa takbo ng kanilang mga buhay.
Sa unang tingin, isang pangkaraniwang pamilya ang tahanan ni Sonya (Sylvia). Ngunit mag-iiwan ng maraming katanungan ang kanyang kuwento dahil hindi tulad ng nakasanayang kuwento ng mga ina, madadawit si Sonya sa isang krimen upang maipagpatuloy ang buhay ng nag-aagaw-buhay niyang anak.
“Gagawa si Sonya ng argumento sa mga nanay at mga anak. Ang tanong ay ‘Gagawin ko ba ang ginawa ni Sonya? Dapat ba ginawa niya o hindi niya dapat ginawa ‘yung krimen?’” ani Sylvia.
“Babasagin namin ang imahe ng pagiging isang ‘ideal’ na ina. Rito makikita natin kung paano mamahalin ang isang taong alam nilang may bahid,” dagdag naman ni Arjo.
Kasama rin sa Hanggang Saan sina Ariel Rivera, Yves Flores, Maris Racal, Marlo Mortel, gayundin sinaNikko Natividad, Rommel Padilla, Nanding Josef, Anna Luna, Mercedes Cabral, Rubi Rubi, Viveika Ravanes, Sharmaine Suarez, Ces Quesada, Arnold Reyes, Maila Gumila, at Junjun Quintana. Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian.
ni MARICRIS V. NICASIO