LAGOT kay Pangulong Rodrigo Duterte ang maimpluwensiyang opisyal ng gobyerno na nagtangkang umarbor sa mag-inang drug queen at princess na dinakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Palasyo kahapon, paiimbestigahan ni Pangulong Duterte ang padrino nina Yu Yuk Lai at Diana Yu Uy, ang mag-inang drug queen at princess, para mapanagot.
“Iimbestigahan po ito at talagang malalagot kung sino man itong nang-aarbor sa drug queen,” ayon kay Roque.
Sa kabila ng pagiging convicted drug trafficker, naipagpatuloy ni Yu ang pagbebenta ng illegal drugs sa Correctional Institute for Women (CIW) habang ang anak niyang si Uy ay ginawang prente ang pagbebenta ng bigas para makapaglabas-masok ng shabu sa CIW.
Sinalakay ng PDEA ang dalawang condominium unit ni Uy , ilang metro ang layo sa Malacañang.
Tiniyak ni Roque na ipupursige ni Pangulong Duterte ang pagsisiyasat para talupan ang padrino ng mag-ina dahil sa matigas na paninidigan laban sa ilegal na droga.
“Naku, asahan n’yo po talagang — talagang ipu-pursue ito ni Presidente. Aalamin kung sino ‘yung nag-aarbor na ‘yan. At alam n’yo naman ang paninindigan ng Presidente laban sa mga nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot,” ani Roque.
Ibinisto kamakailan ni PDEA Director General Aaron Aquino na isang “influential government official” ang umaarbor sa mag-ina makaraan dakpin ng PDEA na nag-iingat ng P15 milyon halaga ng shabu.
“There is someone trying to fix the case. Many are calling,” ani Aquino.
Napabalita rin na isa ang 74-anyos na si Yu sa humihirit ng presidential pardon.
Giit ni Roque, nananiginip ang nagplanong palusutin ang dokumento ng drug queen para magawaran ng presidential pardon.
“Naku. Ngayon pa lang po ay sinasabi kong malabo po ‘yan considering ‘yung paninindigan talaga ni Presidente laban sa ipinagbabawal na gamot,” dagdag niya.
Matatandaan, dahil sa pagtayong padrino sa kaso ni Yu noong 2001 ay sinibak ng Supreme Court sina Court of Appeals Associate Justice Demetrio Demetria at Manila Regional Trial Court Judge Manuel Muro.
ni ROSE NOVENARIO