TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi magiging bahagi ng kanilang agenda ni US President Donald Trump ang isyu ng extrajudicial killings dulot ng drug war ng kanyang administrasyon.
“I’m sure he will not take it up,” anang Pangulo sa press briefing nang dumating siya kahapon mula sa APEC Summit sa Da Nang, Vietnam.
Naniniwala ang Pangulo na ang ilang mambabatas lang sa Amerika ang kritiko ng kanyang drug war, hindi si Trump.
“He is not the Human Rights Commission. So it’s only the representatives there,” anang Pangulo.
Matatandaan, noong nakaraang taon ay ipinatigil ng US State Department ang balak na pagbebenta ng 26,000 assault rifle sa Philippine National Police (PNP) bunsod nang pagtutol ni Sen. Ben Cardin, ang top Democrat sa Senate Foreign Relations Committee, sanhi ng mga isyu ng human rights violations sa Filipinas.
Anang Pangulo, sa China namili ng armas ang Filipinas dahil sa naturang diskarte ng dalawang US lawmakers.
Sinabi ng Pangulo, nang magkaharap sila ni Trump sa APEC Summit ay pinuri ang kanyang tagumpay kontra ISIS-inspired Maute Group sa Marawi City.
“And he said something about, “you know, you handle it very well…” E magyabang pa ako. Ayaw ko ng ano. I do not want to… These are the things that you do not brag about: the Marawi and then the drugs — words of encouragement,” aniya.
Sa pahayag ng White House, pag-iibayuhin ni Trump ang mas mahigpit na ugnayan sa mga bansang kasapi ng ASEAN sa pagdalo nito sa 31st ASEAN Summit and Related Meetings at East Asia Summit sa Filipinas.
“The President is going to reaffirm his personal commitment in promoting closer ties with countries in the region and advancing a free and open Indo-Pacific,” anang kalatas ng White House.
“President Trump is going to congratulate President Duterte on the recent liberation of Marawi city in Mindanao from ISIS-linked terror,” anang White House.
Ipinagmalaki ng US ang mahalagang papel na ginampanan sa paglaban ng gobyernong Duterte sa mga terorista sa Marawi City.
(ROSE NOVENARIO)