MALAKAS man ang ulan noong Huwebes, dumagsa pa rin ang mga kaibigan ni Isabel Granada na gustong makiramay.
Hindi kaagad nakababa ng kotse ang ina ni Isabel na si Mommy Guapa (Isabel Castro) dahil hindi niya kayang makita ang anak na nasa loob ng kabaong. Nanginginig at tila hindi kayang tumayo ng ina ni Isabel.
Sa Sanctuario de San Jose, East Greenhills ibinurol ang labi ni Isabel at kahapon lamang binuksan para sa public viewing. Ngayong araw, Sabado ay magkakaroon ng Eulogy, 7:00 p.m. at sa Linggo ililipat sa Arlington para sa cremation.
Napababa lamang si Mommy Guapa nang sabihin sa kanya na hinahanap siya ng Regal Matriarch na si Mother Lily Monteverde. Nahihiya naman si Guapa na papuntahin si Mother Lily sa pinagtatambayan niyang kotse. Kaya kahit hinang-hina ay bumaba ito.
Kung ating matatandaan, marami-rami ring pelikula ang nagawa ni Isabel sa ilalim ng Regal Entertainment.
Nakiramay din ang mag-asawang Bibeth Orteza at direk Carlos Siguion-Reyna. Naidirehe naman ni Reyna si Isabel sa pelikulang Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin na pinagbidahan ni Rosana Roces.
Nakatutuwa ring isa sa naunang nakiramay ang ElNella (Janella Salvador at Elmo Magalona). Nakasama nina Janella at Elmo si Isabel sa isang TV project.
Ang mga taga-That’s Entertainment namang aming nakita ay sina Manilyn Reynes, Jennifer Sevilla, Ana Aviera, Shirley Fuentes, Ara Mina, Harlene Bautista, Romnick Sarmenta, Melissa Gibbs, Lotlot de Leon, at Sunshine Cruz.
Naroon din sina Nino Muhlach, Eric Fructuoso, Jao Mapa, Jackie Aquino at iba pa.
Samantala si Bianca Lapus pala ang nag-asikaso ng damit na puti ni Isabel na suot-suot.
Ani Bianca noong nabubuhay pa si Isabel, tuwang-tuwa ito sa mga damit na ginagawa o ipinagagawa niya kaya naman sa huling pagkakataon ay iginawa niya si Isabel ng damit.
Punong abala rin sina Chuckie Dreyfuss at Nadia Montenegro kasama si Bianca sa lamay. Sila ang nag-asikaso ng mga kailangan sa burol ni Isabel.
Naikuwento sa amin ni Bianca na matagal na ang pagkakaibigan nila ni Isabel. Tahimik lamang sila at hindi iyong ibinabandera pa.
Bukod sa mga kaibigan, bumuhos din ang mga naggagandahang bulaklak sa burol ng aktres/singer. Maging si Pangulong Rodrigo Duterte at ang anak na si Mayor Sarah Duterte ay nagpadala ng funeral wreath gayundin ang mga network na ABS-CBN, GMA7, mga produktong inendoso ng singer/aktres, at mula sa mga nagmamahal na kaibigan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio