KOMPIYANSA si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ganap na makapupuntos ang China laban sa Filipinas sa isyu ng militarisasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ang estratehikong lokasyon ng isla ng Palawan ang alas ng Filipinas kontra sa lumalakas na presensiyang militar ng Beijing sa WPS.
“Ours is strategic in the sense that facing all the armaments there and the bodies, we have the ace — and the ace is Palawan,” anang Pangulo sa press briefing sa NAIA kahapon bago magtungo sa APEC Summit sa Da Nang, Vietnam.
Ipinagyabang ng Pangulo, hindi kayang palubugin ng China ang isang isla ngunit ang Filipinas ay may kapabilidad na pasabugin ang mga estrukturang militar o mga sasakyang pandigma sa WPS.
“You cannot sink an island, but I can always blast you off if you are there on the open seas,” anang Pangulo.
Matatandaan, alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng US at Filipinas, pinahihintulutan ang Amerika na gamitin ang Antonio Bautista Air Base sa kanlurang bahagi ng Palawan malapit sa WPS.
Aniya, malaking bagay ang pagpapairal ng geopolitics sa pakikitungo sa ibang bansa.
Ipinahiwatig ng Pangulo na nakakiling sa interes ng Filipinas, Malaysia at US kapag nakontrol ang daanan mula Malacca Strait na konektado sa Sulu Sea patungong Indochina.
Kapag hindi aniya nakipagtulungan ang Australia sa layuning ito’y ‘mahihiwalay’ sila sa mundo, base sa kanilang geographical location.
Ang US, Japan at Australia ay may trilateral agreement kaugnay sa pagsusulong ng “rule-based order” sa South China Sea, countering terrorism, violent extremism, cybersecurity, regional connectivity, at kahalagahan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
(ROSE NOVENARIO)