INARESTO ang isang hinihinalang drug courier makaraan makompiska-han ng shabu at P350,000 cash sa checkpoint na inilatag ng Quezon City Police District (QCPD) Fairview Police Station (PS-5), kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Supt. Tomas Nuñez, hepe ng PS 5, kay QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang suspek na si Bernhard Gagarin, 37, tricycle driver, residente sa 6-B Tiburcio Extension, Brgy. Krus Na Ligas, Quezon City, inaresto dakong 8:40 am sa Bristol St., Brgy. Greater Lagro sa nabanggit na lungsod.
Napag-alaman, sinita ng mga operatiba sa checkpoint ang suspek na lulan ng motorsiklo dahil walang suot na helmet ngunit walang naipakitang dokumento ng motorsiklo ang driver.
Nang inspeksiyonin ang dalang bag ng suspek, nakita ang sachet ng shabu at P350,000 cash.
Sa imbestigasyon, inamin ng suspek na siya ay isang drug courier at ang dalang pera ay bayad sa droga na nakatakda ni-yang i-remit sa isang alyas Anok.
Inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng tinukoy na si Anok.
Napag-alaman din ng pulisya na si Gagarin ay isang drug surrenderee sa Brgy. Krus na Ligas.
(ALMAR DANGUILAN)