BIGAS ang gamit na prente ng prinsesa ng drug queen at may VIP police security ang anak ng drug-dealing convict na tinagurian ng mga awtoridad bilang “drug queen,” bago arestohin, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency nitong Martes.
Inaresto ng mga ahente ng PDEA ang suspek na si Diane Yu Uy makaraan matagpuan ang P10 milyon halaga ng shabu sa kanyang condominium unit, malapit sa Malacañang Palace nitong Lunes.
Dalawang oras bago ito, P2 milyon halaga ng droga ang nakompiska sa loob ng Correctional Institute for Women, na pinagpiitan sa ina ni Uy na si Yu Yuk Lai.
Ang security detail ni Uy ay kinilalang si PO3 Walter Vidal ng Police Security and Protection Group. Si Vidal ay dating Special Action Force commando.
“Nagkaroon yata ng kidnapping threat itong si Diane and binigyan ng security,” pahayag ni PDEA chief Aaron Aquino.
“Ang problema lang dito, hindi yata na-profile nang maayos ng PNP iyong VIP na bininibigyan nila ng security.”
Ayon kay Aquino, si Uy ang nagsusuplay ng droga sa Correctional.
Sa ipinakitang surveillance clips, makikita si Uy na pinalalagpas sa pagkapkap ng mga guwardiya, habang nagde-deliver ng sako-sakong bigas, sinasabing may taglay na shabu, sa back door ng pasilidad.
Hinihinalang kinukuha ni Uy ang droga mula sa tatlong convicted drug lords sa New Bilibid Prison, dagdag ni Aquino.
Nakita sa kanyang cellphone ang sinasabing text messages hinggil sa mga order ng shabu.
“Malakas pa rin ang kalakaran ng droga sa loob [ng Bilibid],” aniya.
Samantala, sa “kubol” ni Yu Yuk Lai ay may natagpuang pantyliners na may nakasiksik na shabu.
Ang 72-anyos preso ang nagbabayad ng P1 milyong monthly power bill ng Correctional, ayon kay Aquino.