NAPANOOD namin ang uncut version ng pelikulang 12 na isinulat ni Alessandra de Rossi nitong Lunes sa UP Film Center of the Philippines na produced ng Viva Films.
Ang pelikulang 12 ay romcom pero kakaiba sa ibang pelikulang kadalasang napapanood na maraming karakter para makialam sa relasyon ng dalawang tao.
Makare-relate ang mag-syota, live-in couples, at mag-asawa dahil ipinakita kung ano-ano ang mga bagay na pinag-aawayan ng magka-relasyon na nagsisimula sa maliit na bagay hanggang sa lumaki at mauwi sa hiwalayan.
Maraming detalye o dahilan ng pag-aaway ng magka-relasyon na nasulat lahat iyon ni Alessandra na inamin naman niya noong presscon na base rin sa experience niya at kuwento ng mga kaibigan na nangyari rin sa kanila ang istorya ng 12.
Sabi ng taga-Viva, hindi pa iyon nasa-submit sa MTRCB at CEB dahil gustong hingan ng komento ang millennials na nakapanood kaya ito ipinalabas sa UP Film Center.
Hindi namin naumpisahan ang 12 kaya hindi namin alam kung sa bahay kaagad ang eksena at kung walang ibang karakter maliban kina Alessandra at Ivan Padilla.
In fairness, super tipid pala ni Alessandra magsulat ng script dahil hindi niya pinagastos masyado siBoss Vic del Rosario ng mga location, coffee shops o malls na kadalasang pinupuntahan ng mag-syota o magkarelasyon dahil sa iba’t ibang parte ng bahay lang ang mga eksena.
At dahil maganda ang bahay kaya malamang dito bumawi ng gastos ang may-ari dahil gamit-gamit ang kabuuan nito mula kuwarto, kusina, sala, garahe, banyo at iba pa. Bukod dito ay matipid din sa wardrobe dahil iilang damit lang ang isinuot nila.
Anyway, mapapanood na ang 12 sa Nobyembre 8 mula sa direksiyon ni Dondon Santos produced ng Viva Films at kasosyo rin si Alessandra dahil ibinakas niya ang talent fee niya.
PAGHAHARAP
NINA KATHRYN
AT MERYLL,
KAABANG-ABANG
MUKHANG si Greta (Meryll Soriano) ang bagong makakalaban ni Malia (Kathryn Bernardo) dahil siya ang target ng bagong alagad ni Supremo/Gilbert Imperial (Richard Gutierrez) sa tumatakbong kuwento ng seryeng La Luna Sangre.
Namatay ang nanay ni Greta (Meryll) na si Sylvia Sanchez dahil kay Mio (Kathryn) na siya talaga ang target ng tauhan ni Senator Paglinauan (Freddie Webb) at na-ospital din ang una dahil sa mga nakuhang sugat sa katawan.
At dahil pinalabas ng patay na si Mio kaya lumantad na ang isa pang karakter ni Malia bilang si Toni (Kathryn) at dinalaw niya si Greta (Meryll) sa ospital at humingi ng tawad sa pagkamatay ng nanay niya (Sylvia) ng dahil sa kanya.
Ito ang tumanim sa isipan ni Greta (Meryll) hanggang sa gumaling siya at nakagat ng bampira at naging alagad na ni Supremo (Richard) na nakitaang punumpuno ng galit sa dibdib dahil gustong ipaghiganti ang pagkamatay ng ina (Sylvia) isama na rin ang pagkamatay ng anak dahil sa sakit.
Sa pagdalaw ni Greta (Meryll) sa rati nilang bahay ay nakita niya ang buong pamilya ni Tristan (Daniel Padilla) at hinahanap nga si Mio pero sinabing patay na at hindi naniniwala ang una.
Nilapitan niya si Tristan (Daniel) at sinabing hindi totoong patay na si Mio dahil nagpanggap lang siyang lalaki na ang totoo ay babae iyon at buhay pa, bagay na ikinataka ng una.
Nakita rin ni Tristan (Daniel) ang mabilis na pagkawala ni Greta (Meryll) at nakompirmang bampira na nga rin iyon.
Samantala, hinahanap na ni Supremo/Gilbert Imperial (Richard) si Barang (Sharmaine Buencamino) dahil ilang araw nang nawawala na hindi niya alam na pinatay na ng kanyang political strategist na si Jacintha Magsaysay/Lia (Angel Locsin) dahil hindi kinaya ni Samantha (Maricar Reyes-Poon).
Nakatatawa nga dahil habang nanonood kami ng La Luna Sangre nitong Lunes ay ang daming nagte-text sa amin kung namatay o patay na si Samantha (Maricar) dahil nga kinagat siya ni Barang (Sharmaine) at kapani-paniwala naman kaya pati kami ay nag-post na rin sa aming social media account ng ‘Goodbye Samantha’ pero buhay pa pala. Oo nga, wala palang kamatayan ang kapatid sa ama ni Supremo/Gilbert (Richard) kay Magnus (Jake Roxas).
Kaya kaabang-abang kung paano maghaharap sina Greta (Meryll) at Toni/Malia (Kathryn) para pagbayarin sa nangyari sa pamilya niya at inutusan din siya ni Supremo (Richard) na dalhin sa kanya ang Punong Bantay/Bagong Itinakda.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan