MAGKAKALOOB ng P100,000 pabuya ang Grab management sa sinomang makapagtuturo sa mga taong responsable sa pagpaslang sa Grab driver na tinangayan ng sasakyan ng mga suspek sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Pasay City Police chief, Senior Supt. Dionisio Bartolome, kinilala ng pulisya ang biktimang si Gerardo Maquidato, Jr.
Sinabi ng opisyal, nasa tatlo hanggang apat katao ang kinikilala ng kanilang mga imbestigador na huling nakatransaksiyon ni Maquidato bago siya pinatay noong gabi ng 26 Oktubre, 7:45 pm sa harapan ng Express Payment Center sa Bonanza St., Brgy. 189, Zone 20 ng nabanggit na lungsod.
Ayaw munang ipabanggit ng Pasay City Police ang mga pangalan ng tatlo para hindi anila ma-jeopardize ang kanilang imbestigasyon.
Ipinaliwanag ni Bartolome, nag-iingat sila sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
“It is complicated because for example, I booked for a ride at Grab but another person will ride instead. It can happen,” ani Bartolome.
Dagdag ni Bartolome, kinilala ang naturang mga “person of interest” makaraan ibigay sa kanila ng Grab management ang buong detalye ng biyahe ng biktima noong araw na iyon bago siya pinaslang.
Kinilala ang biktima ng kanyang asawang si Brenda, 41, habang naka-lagak ang bangkay sa Rizal Funeral Homes.
Base sa affidavit ng misis ng biktima, dakong 10:00 am nitong 26 Oktubre umalis ang kanyang mister sa kanilang bahay sa Quezon City patungo sa trabaho sakay ng silver Toyota Innova na may plakang XV-7109, ngunit makalipas ang ilang oras ay hindi na niya makontak ang cellphone ng kanyang mister, dahilan upang magtungo siya sa tanggapan ng Grab noong Biyernes, 27 Oktubre.
Sa puntong ito, napag-alaman niya na ang huling drop-off route ng kanyang mister ay sa Doña Neneng St., Pasay City, may 5.7 kilometro mula sa Bonanza St., lugar na kinatagpuan sa bangkay ng biktima. (JAJA GARCIA)