Sunday , November 17 2024

Army Capt. wagi vs giyera sa Marawi, sanggol na anak panalo sa PCSO

HINDI matatawaran ang kasiyahang makikita sa mukha ng pamilya nina Scout Ranger Company Commander Monroe Bongyad at kanyang pamilya na pinagigitnaan nina Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Marlon Balite, General Manager Alexander Balutan, at Chairman Jose Jorge Corpuz sa nakaraang pagdiriwang ng ika-83 anibersaryo ng ahensiya nitong Huwebes, 26 Oktubre 2017, na ginanap sa Wack Wack Golf & Country Club, sa Mandaluyong City.

ISANG pagkakataong kalmado ang paligid at panandaliang tumigil ang putukan at bombahan, isang sundalo ang nakahanap ng lugar na may malakas na internet connection — siya si Army Captain Monroe B. Bongyad.

Habang tumitingin sa kanyang social media account, hindi sinasadyang nakita niya ang page ni PCSO General Manager Alexander Balutan na may PCSO logo. Hindi siya nag-atubiling sumulat ng kanyang saloobin tungkol sa kalagayan ng kaniyang anak. Buong-puso at pagpapakumbaba niyang inilahad ang pag-aalala niya sa kalagayan ng panganay na anak.

Aniya, medyo hati ang kanyang atensiyon habang nakikipaglaban sa Maute Terrorist Group dahil sa kinahaharap na problema ng kanyang pamilya.

Habang magiting na ipinaglalaban ni Army Captain Monroe B. Bongyad ang Marawi, dumaraan ang kanilang pamilya sa isang napakalaking pagsubok partikular ang kanyang anak na isinilang na kulang sa buwan noong 17 Abril 2017.

Na-diagnose ang kaniyang anak na may intestinal malformation dahil sa isang major obstruction sa sistemang panunaw ng bata.

Commanding Officer si Bongyad ng 7th Scout Ranger Company at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Maragtas” Class 2007.

Nang pumutok ang digmaan sa Marawi noong Mayo 2017, hindi alam ng asawa ni Capt. Bongyad na siya ay made-deploy doon. Ang alam ng kaniyang asawa ay sa Basilan siya nakadestino.

“How I wish nandun ako para alalayan silang mag-ina sa Manila, but because of the Call of Duty I cannot be with them. Hindi rin alam ng aking asawa na nasa Marawi ako. Ang alam niya ay nasa Basilan ako sir, dahil ayokong mag-alala ang aking asawa at maka-focus siya sa baby namin,” parte ng mensaheng ipinadala ni Capt. Bongyad kay GM Balutan noong Hunyo.

Si General Manager Alexander Balutan ay isang retiradong Major General mula sa Philippine Marine Corps at miyembro ng PMA “Matikas” Class ’83.

Mula sa Catarman, Northern Samar, inilipat sa Bicol ang sanggol na wala pang isang buwang isinisilang para sa isang major operation noong Abril 19.

Matapos ang operasyon, unti-unti namang humihina ang puso ng sanggol kaya nagdesisyon ang doktor na ilipat siya sa isang pribadong ospital. Halos isang buwang nagpalipat-lipat sa tatlong ospital ang anak ni Capt. Bongyad na kahit ang kanilang ipon ay naubos bilang panggastos sa pagpapagamot at pagpapaospital.

Napilitan na rin tumigil sa pagtatrabaho ang kaniyang asawa bilang dentista para mas maalagaan ang kanilang anak habang siya ay nasa malayo at nagtatanggol sa bayan.

Idinagdag ni Capt. Bongyad na hindi ini-apply ang Philhealth sa kanilang mga bayarin dahil hindi nagkaroon ng maayos na koordinasyon ang dalawang ospital na maaaring gamitin ito.

Sumubok din silang humingi ng assistance sa PCSO-Naga ngunit hindi ito nakaabot dahil Lunes hanggang Huwebes lang tumatanggap ng mga request. Nagkataon namang nasabihan sila, Huwebes nang hapon ay puwede nang ilabas ang sanggol kinabukasan kaya hindi na rin sila nakahingi ng tulong pinansiyal.

Hindi pa man nakababawi sa gastusin, muli na namang dinala sa ospital ang sanggol matapos ang 21 araw recovery period dahil sa komplikasyon dala ng operasyon. Dito na na-diagnose ang bata na mayroon siyang partial obstruction kaya nagdesisyon silang ilipat ang anak sa PCMC (Philippine Children’s Medical Center) sa Quezon City.

Tatlong operasyon ang pinagdaanan ng anak ni Capt. Bongyad at ayon sa kaniya, nahihirapan na sila sa gastusin dahil hindi sapat ang sahod niya para tugunan lahat ito. Idinagdag ni Capt. Bongyad na malaki na rin ang nautang niya simula noong unang maospital ang anak.

Sa puntong ito ng kanyang mensahe kay GM Balutan naglakas-loob si Capt. Bongyad na humingi ng tulong sa PCSO.

“Bilang isang sundalo at upper-class, sir, ako po ay humihingi ng kaunting tulong sa inyo sa PCSO na sana ay mabigyan kami ng kaunting benepisyo para matulungan ang aking mag-ina sa gastusin sa hospital. Tatanawin ko pong malaking utang na loob po ito sir. Pasensiya na po, talaga pong medyo gipit na rin po ako sir. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang kahilingan ko bilang isang taong nagseserbisyo para sa bayan tulad ninyo,” ani Capt. Bongyad sa pagtatapos ng kanyang mensahe.

Dahil dating sundalo, alam ni GM Balutan ang mga problema at pagsubok na hinaharap ng mga tagapagtanggol ng bansa. Agaran siyang sumagot sa mensahe ni Capt. Bongyad at hiningi ang mga kailangang detalye para sa kaso ng kanyang anak.

Nakipagkita si GM Balutan sa asawa ni Capt. Bongyad at sa kahilingan nito, hindi niya binanggit na siya ay nasa Marawi na kasalukuyang nakikipaglaban sa mga teroristang nais magtayo ng ISIS caliphate sa bansa na kung sakali ay magiging una sa Asya.

Hindi naman nahuhuli si Capt. Bongyad sa pagbabalita ng mga tagumpay nila sa labanan. Sa isang mensahe niya kay GM Balutan ay nagpadala siya ng retratong makikita ang masasayang sundalo na nakatanggap ng suporta mula sa pamahalaan.

“Noong 14 sir may Barrett din po kami nakuha,” sabi ni Capt. Bongyad sa mensahe kay GM Balutan. Ang Barett ay isang malakas na sniper rifle na kayang umasinta kahit 1,800 metro ang layo. Pinaniniwalaang ang mga baril na ito at iba pang malalakas na armas ay nasa pag-aari ng mga terorista bago pa man makatanggap ng suporta ang mga tropa ng pamahalaan sa Marawi.

Nagkaroon ng kapanatagan ang isip ni Capt. Bongyad dahil bukod sa tulong na natanggap ng kaniyang pamilya mula sa PCSO sa pamamagitan ni GM Balutan, nakatanggap din ng suporta ang tropa ng pamahaalan sa Marawi. Nakatanggap siya ng mensahe mula kay GM Balutan na wala na siyang dapat ipag-alala sa kalagayan ng kaniyang panganay.

Sagot ni Capt. Bongyad, “Wish-come-true.” Isang kahilingan ng isang ama na kahit nasa malayo man siya dahil sa tungkulin para sa bayan, may isang tanggapan na handang tumulong at umalalay sa kaniyang pamilya. Nagpasalamat siya sa ngalan ng kaniyang pamilya at habambuhay nila itong tatanawing utang na loob na kahit kailan ay hindi nila mababayaran.

Nagbibirong sumagot si GM Balutan, “Just give us the head of Isnilon he he he, no pressure, keep the faith, be true to the CIL that all of us imbibe in PMA. See you soon my man.”

Ang kahulugan ng CIL ay “Courage, Integrity, and Loyalty,” ang motto ng Philippine Military Academy.

Lalong lumakas ang pag-asa ng sundalo para sa kaniyang anak na tuluyang gagaling. Nabawasan ang kaniyang pag-aalala at mas mapagtutuunan ang kanilang misyon bilang tagapagtanggol ng bayan: ang tapusin ang banta ng terorismo sa Marawi at sa buong bansa.

Ilang araw ang lumipas, isang mensahe ang natanggap ni GM Balutan mula kay Capt. Bongyad, “Good Afternoon sir, I and my company may not be the one to get IH (Isnilon Hapilon) and Omar (Maute), I’m happy to say that we were part of it. The 3rd Scout Ranger Barallion, with JSOG, PNP, and mechanized… we are happy to say and report to you, MISSION ACCOMPLISHED, sir!” Nilakipan niya ito ng larawan ng mga bangkay ng dalawang terorista.

Minsang tinuran ni General Douglas MacArthur, “The soldier above all others prays for peace, for it is the soldier who must suffer and bear the deepest wounds and scars of war.”

Pinakamasakit para sa isang sundalo na mawalay sa kaniyang pamilya upang tuparin ang tungkulin sa kaniyang bayan. Pinakamahirap para kay Capt. Bongyad dahil sa pagkakataon pang may karamdaman ang kaniyang anak kinailangan niyang lumisan at ipagtanggol ang bansa laban sa Abu Sayaff at Maute-ISIS sa Marawi.

Ayon kay GM Balutan, isa lamang ito sa napakaraming kuwento ng pagtulong ng PCSO sa mga nangangailangan. Idinagdag niya na hindi na kailangan sumulat pa sa kanya nang personal dahil may mga tanggapan sila sa mga rehiyon na tatanggap at tutulong sa kanilang mga problemang medikal.

Maaaring tapos na ang digmaan sa Marawi ngunit tuloy pa rin ang giyera ng PCSO laban sa ilegal na sugal. Hinihikayat ni GM Balutan ang lahat na huwag mag-atubiling magsumbong sa kanilang tanggapan ang mga ilegal na sugalan sa kani-kanilang lugar. Kung lahat ng ilegal na sugalan ay maipasasara, mas maraming nangangailangan ang matutulungan ang PCSO.

ni Karla Lorena G. Orozco

About Karla Lorena Orozco

Check Also

Krystall Herbal Oil, mosquito bite, Kagat ng lamok

‘Papak ng lamok’ sa Dengue season pinahina ng Krystall Herbal Oil

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong,          Ako po …

Krystall herbal products

OFW tuwang-tuwa sa mga pabaon na produktong Krystall ng FGO

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sister Fely Guy Ong, Ako po ay …

DOST 1 Director Champions Gender Sensitivity and Mainstreaming at ISPSC

DOST 1 Director Champions Gender Sensitivity and Mainstreaming at ISPSC

Dr. Teresita A. Tabaog, Regional Director of the Department of Science and Technology Region 1 …

Hotel Sogo NCIP MOU Signing

Hotel Sogo and NCIP Forge Partnership to Support Indigenous Communities

A Memorandum of Understanding (MOU) was signed between the Hotel Sogo and National Commission on …

NIVEA South Korea

Nivea’s 10 out of 10 care celebration continues, empowering you to embrace your glow

NIVEA, your trusted skin care partner, recently marked a significant milestone in its commitment to …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *