BUHAY pa kaya ang radio anchor na si Christopher Lozada kung maagang nakarating kay Bislig Mayor Librado Navarro ang red warning letter ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS)?
Ito ang katanungan sa hanay ng mga mamamahayag na nakapansing anim na araw nakatengga sa tanggapan ng PTFoMS ang “strongly worded letter” ng task force kay Navarro bilang babala na ituturing siyang suspek kapag may masamang nangyari kay Lozada.
Si Lozada, 29, operations manager at anchor ng dxBF Prime Broadcasting Network, at live-in partner na si Honey Faith Indog, ay tinamba-ngan ng hindi kilalang mga lalaki sa Bislig, Surigado del Sur kamakalawa.
Sa kalatas ni PTFoMS Executive Director Joel Egco, inamin niyang nagpasaklolo sa kanilang tanggapan si Lozada makaraan makatanggap ng mga death threat sa pamamagitan ng text messages mula kay Navarro nang patalsikin ng Ombudsman bunsod ng kasong katiwalian na isinampa laban sa kanya ng radio anchor.
Sa liham na may petsang 18 Oktubre 2017, sinabi ni Atty. Jay de Castro, chief of staff ni Egco, kay Navarro, na isinumite sa PTFoMS ni Lozada ang mga dokumento na nagpapatunay sa pagbabanta sa kanya ng alkalde.
Mistulang memorandum na pinaalalahanan ni De Castro si Navarro na itigil ang pagbabanta kay Lozada at kapag may masamang nangyari sa radio anchor ay ikokonsiderang suspek ang alkalde.
“We therefore ask you to desist threatening Lozada, otherwise, in case of any untoward incident happens to him, we will include you as possible perpetrators of the crime,” ani De Castro.
Hindi ipinaliwanag ni Egco sa kanyang kalatas kung bakit naantala nang anim na araw ang liham bago naipadala kay Navarro at bago pa nakarating sa alkalde ay napatay na si Lozada.
(ROSE NOVENARIO)