LIMA katao ang patay habang marami ang malubhang nasugatan makaraan suyurin ng bumulusok na 22-wheeler truck ang tatlong sasakyan at sagasaan ang mga pedestrian sa Batasan-San Mateo Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City kahapon.
Patuloy na kinikilala ng Quezon City Police District-Traffic Enforcement Unit Sector 5 ang mga biktimang namatay na kinabibilangan ng isang estudyante at isang bombero.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dalawa sa biktima ang namatay noon din makaraan madaganan ng truck, habang ang estudyante ay hindi umabot nang buhay sa Malvar General Hospital sa Commonwealth Avenue, at ang dalawa pa ay dead on arrival sa Saint Mathew’s Hospital sa San Mateo, Rizal.
Habang inaalam ng pulisya ang bilang ng mga sugatan na isinugod sa iba’t ibang ospital na ma-lapit sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa pulisya, dakong 3:15 pm nang mangyari ang insidente sa Batasan-San Mateo Road nang mawalan ng kontrol ang truck na puno ng bakal.
Pababa ang truck papuntang San Mateo, Rizal galing sa IBP Road sa Quezon City nang mawalan ng kontrol dahil sa sobrang bigat ng kargang mga bakal.
Hindi nakayanan ng preno ng truck ang bigat kaya mabilis itong bumulusok mula kanto ng Batasan-San Mateo Road at Battalion Road hanggang Senatorial Dr.
Pagdating sa Senatorial Dr., ay tumagilid ang truck at nadaganan ang dalawang pedestrian. Habang marami ang nasugatan nang masagasaan ng truck nang bumulusok.
Samantala, tatlo pang sasakyan na kinabibilangan ng Toyota Fortuner, Innova at Avanza ang nawasak nang suyurin ito ng truck.
Sugatan din ang mga pasahero ng tatlong sasakyan na isinugod sa pagamutan. (ALMAR DANGUILAN)