UMAASA ang Malacañang, susunod ang ilang religious groups sa inisyatiba ng Simbahang Katolika na makipagtulungan sa pagpapatupad ng community-based drug rehabilitation program.
Pinuri ng Palasyo ang nilagdaang kasunduan ng Diocese of Novaliches, Quezon City, at ng Philippine National Police para sa implementasyon ng community-based drug rehabilitation program sa Batasan area dahil malaking tulong sa pagsusulong ng anti-illegal drug campaign ng pamahalaan.
“It is hoped that this kind of partnership can be replicated by the PNP and other offices involved in the comprehensive anti-illegal drugs campaign with other Dioceses, as well as other churches and church groups in the country,” ayon sa kalatas ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kahapon.
Ang ganitong uri aniya ng alyansa ng gobyerno at Simbahan ang inaasahan ng publiko tulad ng lumabas sa pinakahuling survey na nagsasabing dapat umayuda ang Catholic Church sa rehabilitasyon ng drug addicts.
“The complementary work of the government and the Church in the treatment and rehabilitation of drug dependents must further be enhanced, particularly in areas such as restoration of mental, spiritual, and psycho-emotional health,” sabi ni Abella.
Samantala, opisyal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Dr. Lorraine Badoy bilang tagapagsalita ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Undersecretary for New Media.
Si Badoy ay dating Assistant Secretary sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
(ROSE NOVENARIO)