NANAWAGAN si presidential daughter at Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa sambayanang Filipino, magtulungan upang makatakas sa kahirapan para hindi na mapagsamantalahan ng narco-politicians.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines sa Bonifacio Global City, Taguig City, sinabi ni Inday Sara, imbes magbangayan, dapat magkaisa ang lahat ng Filipino upang gapiin ang mga kaaway ng lipunan gaya ng mga kriminal, terorista at kahirapan.
“Let us work on our poverty incidence that has been taken advantage by narco-politicians. Ang kalaban natin, criminals, terrorists, kahirapan,” aniya.
Bagama’t nanawagan ng pagkakaisa ang presidential daughter, ibang usapan aniya kapag ginagamit ang pagsisinungaling para lang kumontra at mas malala kung ipinipinta ang isang masama at negatibong imahe ng Filipinas sa ibang bansa.
Aminado si Inday Sara na maraming kapintasan ang kanyang amang si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ngunit may “aggressive spirit” na kailangang gamitin para maisulong ang mabubuting pagbabago sa bansa.
Ang mabilis na pagbangon aniya ng Marawi City ang magsisilbing sampal sa pandaigdigang terorismo na nais ipalaganap ng kalaban ng sangkatauhan.
Tiniyak niya na hindi itinayo ang nasabing alyansa para itapat sa Tindig Pilipinas, grupo ng oposisyon na bumabatikos sa administrasyong Duterte, kundi upang pagbigkisin ang mga Filipino tungo sa positibong pagbabago.