MAGKAKAROON muli ng sariling tahanan ang mga lumikas na mga pamilya sa Marawi City bago matapos ang taon.
“Na-clear na ‘yung… Almost 100% e, sa loob ng war zone. Mas madali na nating masusuyod ‘yung buong Marawi. Rest assured na by December, makaka-deliver na po ‘yung daan-daang temporary shelters para sa ating mga kababayan,” ani Communications Secretary Martin Andanar kahapon.
Kinompirma kahapon ng militar, nailigtas na ang lahat ng bihag ng ISIS-inspired Maute terrorist group at isang gusali na lang ang okupado ng tinatayang 30 terorista.
Nagbaba ng ultimatum ni Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Group Ranao, laban sa mga terorista hanggang hatinggabi para sumuko upang hindi mapatay dahil tiniyak niya na wala silang ititira ni isa gaya ng pangako ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na hindi titigil ang operasyong militar sa Marawi City hangga’t may nalalabing terorista sa siyudad.
Kamakalawa, iniha-yag ni AFP Spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla, maaaring sumiklab pa rin ang terorismo sa iba pang lugar ng Mindanao dahil may terror groups gaya ng Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Ansal KHalifa Pilipinas (AKP) ang natitirang naniniwala sa extremism ngunit hindi na kayang maglunsad ng isa pang kagaya ng Marawi crisis.
Sa halos limang buwan na pag-iral ng martial law sa buong Mindanao, napatay ng mga tropa ng pamahalaan si ISIS Southeast Asian emir at ASG leader Isnilon Hapilon, Maute terror group leader Omar Maute at Malaysian terrorist at Marawi crisis financier Dr. Mahmud Ahmad.
Pinaghahanap ng militar ang isa pang Malaysian at Darus Islam terrorist member na si Amin Baco, pinaniniwalaang isa sa foreign jihadists na sumali sa Marawi siege.
ni ROSE NOVENARIO