INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinadya niya ang pagmumura sa European Union dahil hindi naman itinanggi na wala silang kinalaman sa pagbatikos sa kanya ng ilang EU parliamentarians sa isyu ng extrajudicial killings (EJKs).
Sa kanyang talumpati sa High Level Forum on ASEAN @50, sinabi ng Pangulo, hindi tama na diktahan ng EU ang gobyerno ng Filipinas dahil hindi sila kontento sa mga nangyayari sa bansa.
Nanawagan siya sa EU, suriin ang ugat ng suliranin ng lipunang Filipino bago bumatikos sa kampanya kontra-illegal drugs ng kanyang administrasyon.
Hinimok niya ang EU na magpaka-edukado at huwag basta pumunta sa Filipinas base sa imbitasyon ng ilang non-government organizations (NGOs) at oposisyon para busisiiin ang EJKs.
Kung may reklamo aniya ang EU laban sa kanyang pamahalaan, maghain ng complaint sa United Nations (UN) upang maimbestigahan ang kanilang hinaing.
“You can not expel a member of the UN with just a sentence,” anang Pangulo.
Giit ng Pangulo, maaaring ang mga suhestiyon na solusyon ng EU ay hindi naman uubra sa ating bansa.
“Please do not impose your will on us,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)