DOBLADO ng kanilang kasalukuyang sahod ang matatanggap ng lahat ng sundalo’t pulis at mga unipormadong puwersa ng pamahalaan simula sa Enero 2018.
Ito ang sinabi kagabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa pagbisita sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Nauna rito, sa isang press conference kahapon ng umaga, kinompirma ni Budget Secretary Benjamin Diokno, hinihintay na lang ng Palasyo ang pagpasa ng joint resolution ng Senado at House of Representatives na nagtatakda ng umento sa sahod ng unipormadong puwersa hanggang sa mga heneral.
“The commitment is to double the salaries of soldiers by January 1, 2018. We are doing everything to follow our commitments. We need a joint resolution from both Houses of Congress to implement this policy decision,” ani Diokno.
Kapag inaprobahan ng Kongreso ang resolution, magiging doble ang base pay ng isang police officer 1 sa Philippine National Police, katumbas ng private first class sa Armed Forces of the Philippines at katulad ng mga ranggo sa BJMP, Bureau of Fire Protection, Philippine Public Safety College, Philippine Coast Guard, at sa National Mapping and Resource Information Authority.
Ang isang PO1 ay tataas nang 100 porsiyento ang monthly base pay, sa kasalukuyang P14,834 ay magiging P29,668, ngunit ang high-ranking officials ay “60 to 70 percent” lang ang umento, ani Diokno.
Dagdag niya, sa pangkalahatan, aabot sa 58.7% ang average increase sa base pay sa lahat ng military at uniformed personnel ranks simula 1 Enero 2018.
Mangangahulugan aniya ito ng dagdag na P63.4 bilyon gastos sa gobyerno.
“Under the proposed congressional joint resolution, the increase of the salaries of the uniformed personnel is not indexed to the pension of the retired military and police personnel,” ani Diokno.
Giit niya, nagbubuwis ng buhay para sa bayan ang mga pulis at sundalo kaya dapat lang umentohan ang kanilang sahod.
ni ROSE NOVENARIO