NAGBANTA ang transport group Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ng mas mahabang tigil-pasada kapag tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na sila ay harapin at ang iba pang civil groups na tumututol sa jeepney modernization program.
“Kung palagay natin ang style ng gobyerno lagi na lang kakanselahin ‘yung klase, isa, dalawang araw, siyempre kasama na sa konsiderasyon natin ‘yan sa susunod [na strike]. Baka mas mahaba sa susunod,” pahayag ni George San Mateo ng PISTON.
Sinabi ni San Mateo, dapat ikonsidera ni Duterte ang ibang alternatibo sa jeepney modernization program, na sa kanilang paniniwala ay “marketing program” para sa ilang korporasyon.
Muling sinabi ni dating Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño, tinututulan nila ang mabigat na pasanin na posibleng maranasan ng mga commuter at driver sa modernization program, at hindi ang positibong epekto ng pag-upgrade ng mga jeep.
“Sino ba naman ang tatanggi kung papalitan ang jeep nang mas magandang jeep? Sino ba namang tatanggi kung tataas ang take home pay ng mga driver? Wala namang tatanggi riyan,” ayon kay Casiño.
(JAJA GARCIA)