Saturday , November 16 2024

‘Liberasyon’ ng Marawi idineklara ni Duterte

IDINEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte, malaya na ang Marawi City sa impluwensiya ng mga terorista kaya’t uusad na ang rehabilitasyon.

“Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from the terrorist influence. That marks the beginning of rehabilitation,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City.

Tiniyak niya, hindi maiiwan sa ere ang mga sugatang sundalo at bibigyan sila ng puwesto sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Mga mahal kong sundalo, ang problema ko, ang mga nasugatan ngayon, marami ‘yan. I can guarantee you, sinasabi ko na sa inyo ngayon, walang iwanan ipupuwesto ko silang lahat,” anang Pangulo.

Mahigit apat na buwan nagbabakbakan ang militar at ang ISIS-inspired Maute terrorist group bago napatay ng snipers ng AFP sina Isnilon Hapilon at Omar Maute kamakalawa.

Ngunit sa kabila ng Marawi liberation, patuloy pa rin ang paglaban ng may 30 Maute ‘stragglers’ kasama ang walong foreign jihadists na kinabibilangan nina Dr. Mahmud Ahmad, at isang Malaysian doctor na pinaniniwalaang financier ng Marawi siege.

Itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na si Ahmad ang bagong Southeast Asian emir makaraan mapatay si Hapilon.

“Haka-haka lang ‘yun noong mawala si Hapilon,” aniya.

ni ROSE NOVENARIO

100+ TERORISTA
NAGKALAT PA
SA MINDANAO

INAMIN ni AFP Spokesman Major Gen. Restituto Padilla, mahigit 100 pang terorista ang pinaghahanap ng mga awtoridad na kasama sa Arrest Order na inilabas ni Lorenzana makaraan i-deklara ang martial law.

“At doon sa mga arrest order na nailabas, dalawa po ito sa mahigit 300, naaresto po natin ang mahigit 100 at na-filan (file) ng kaso at ngayon ongoing ang kanilang mga kaso for six — more than 60 individuals na nasa korte ngayon,” ani Padilla.

“Iyong mga kaso na ‘yan, may iba po riyan sangkot sa droga, hindi lang sa rebellion. Multiple cases na po ‘yon,” sabi niya.

Nananatili aniya ang suporta ng AFP sa kampanya kontra-droga ng gobyerno at nakahandang umayuda sa Philippne Drug Enforcement Agency (PDEA) sakaling kailanganin ang kanilang tulong.

Sisikapin aniya ng militar na masugpo ang narco-terrorism sa Mindanao sa pagtatapos ng martial law sa katapusan ng 2017.

“Mahirap po magsalita nang patapos pero sisikapin po natin na ma-meet ‘yung deadline na ‘yan upang ma-address una ‘yung network ng terror lalo na nakaugnay dito sa grupong ito na nandiyan sa Marawi at pangalawa ‘yung  problema sa narco-terrorism,” giit niya. (ROSE NOVENARIO)

NCRPO HANDA
SA POSIBLENG
SPILL-OVER
SA METRO

HANDA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa posibleng spill-over sa Metro Manila kaugnay sa bakbakan sa Marawi City na ikinamatay ng kilalang mga lider ng Maute at Abu Sayyaf Groups na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon na tinaguriang Emir at pinuno ng ISIS sa Asya.

Ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, kahit walang natatanggap na report ukol sa banta ng terorismo sa Metro Manila, hindi inaalis ang posibilidad na paghihiganti o resbak ng mga tagasuporta ng Maute at ASG lalo na’t patay na ang kinikilalang mga lider na sina Maute at Hapilon.

Aniya, hindi mala-yong mangyari ito lalo na’t nasa Camp Bagong Diwa sa Bicutan,Taguig City ang mga kaanak at ibang tagasuporta ng Maute at ASG.

Binigyang-diin ni Albayalde, hindi nagpapakampante ang NCRPO kaya nagpapatupad nang mas mahigpit na seguridad sa iba’t ibang panig sa National Capital Region kabilang ang kaliwa’t kanang checkpoints, police visibility at foot patrol upang masawata ang krimen.

Kinompirma ng Armed Forces of the Phi-lippines (AFP) kamaka-lawa ang pagkamatay nina Maute at Hapilon sa pamamagitan ng mga inilabas na retrato sa naganap na final strike sa Marawi. (JAJA GARCIA)

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *