TULUYAN nang nasakmal ng National University Bulldogs ang naunang tatlong sunod na kabiguan nang sagpangin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 77-70 sa huling araw ng unang round ng eliminayon sa UAAP Season 80 sa Mall of Asia Arena kahapon.
Bunsod ng panalo, umangat sa 3-4 ang NU at tumabla sa UP na nasa 3-4 din papasok ng ikalawang round ng umaatikabong Season 80.
Sumandal sa 7-0 panapos ang NU sa likod ng pamamayani ni Matt Salem upang ipagpag ang makulit na UP.
Nagtapos sa 21 puntos at 10 rebounds si Salem habang nakakuha siya ng mga solidong numero kina Issa Gaye at Jayjay Alejandro.
Ibinuslo ni Salem ang nagliliyab na tres sa huling 45 segundo na nagsilbing pambaon sa NU, 75-70 tungo sa tagumpay.
Nag-ambag ng 13 puntos at 8 rebounds si Issa Gaye habang kompleto rekados na 12 puntos, 6 rebounds at 7 assists si Jayjay Alejandro.
Samantala, nauwi sa wala ang 15 puntos ni Paul Desiderio para sa UP na nahulog sa ikatlong sunod na kabiguan para sa 3-4 kartada.
Nadagdagan ng sakit sa ulo ang UP sa pagkawala ni Jun Manzo dahil sa ankle injury. Wala pang katiyakan ang kompletong detalye sa kalagayan ng top point guard ng UP. (JBU)