TABLADO sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang private armed groups na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte na nais labanan ang tinagurian nilang kaaway ng estado.
Ayon kay AFP Spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla, nagsisimula ang kaguluhan sa mga pribadong armadong grupo na kapag binuo ay idadahilan na umaayuda sa gobyerno ngunit iba pala ang pakay.
Ang pahayag ni Padilla ay tugon sa pag-usisa ng media kung hinihimok ng AFP ang pagbuo ng mga grupo para labanan ang destabilisasyon kontra Duterte.
Kamakailan, lumutang ang grupong Citizens National Guard na umano’y nakahandang labanan ang destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte at “enemies of the state” na suportado nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta.
“Siyempre, ang Armed Forces po maliwanag, against kami sa creation ng private armed groups kasi ‘yan… diyan nagsisimula ang kaguluhan na ngayon ay maaaring sabihin nila na ganito ang kanilang pakay pero later on ay mawawalay sila sa kanilang sinasabing gagawin,” ani Padilla.
“Ang Armed Forces po maliwanag diyan at kung merong naggugusto mag-create ng mga grupo, there is always a legal way to do it. And we encourage those who are interested to help government to do it the right way, the legal way,” dagdag niya.
Impormasyon lamang aniya ang puwedeng ibahagi ng mga grupong nais tumulong sa gobyerno at hindi maaaring idaan sa armadong paraan.
“They may start forming their groups. Mag-grupo-grupo sila at ‘yung kanilang network ng grupo na ‘yan ay maaaring nagbibigay nang maayos na impormasyon, nagtuturo na may kaguluhan dito o may mga taong masasamang loob na nandito sa lugar na ‘yan, na nagiging kabahagi ng ating sinasabi dati na ‘yung shared responsibility sa security. Pero information-based lang, hindi sa armadong paraan,” aniya.
“Kung gusto ninyong mag-armas, hindi na po tama kasi nakasaad po sa ating Constitution na isa lang po dapat ang armadong grupo sa buong bansa. Ito lang ‘yung sundalo at (ka)pulisya(n),” giit ni Padilla.
Napaulat na may ilang indibidwal na umano’y “staunch Duterte supporters” ang napaliligiran ng mga armadong tauhan kahit saan magpunta.
(ROSE NOVENARIO)