GAGAMITIN ng Palasyo ang P6 bilyong bayad ng Philippine Airlines (PAL) na atraso sa gobyerno para tustusan ang mga proyektong pang-impraestruktura ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, tinanggap ng Department of Transportation ang P6-B bayad ng PAL para sa mga pagkakautang sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) bunsod ng esklusibong paggamit sa NAIA Terminal II mula pa noong 1999.
Umaasa ang Palasyo na magsisilbing paalala ito sa iba pang negosyante na isantabi ang personal na interes para sa kapakanan ng bayan.
“The matter of PAL’s unpaid charges has been decisively settled. It is a clear reminder that when government prioritizes national interest, citizens will cooperate. PAL has agreed to pay in full the P6-B claims of the CAAP/MIAA, which the Department of Transportation (DOTr) accepted, which will go a long way to help build much needed infrastructure to support our economic capabilities,” ani Abella.
“We enjoin one and all to set aside self-interest and together build a nation worthy of the next generation,” giit niya.
Nauna rito, pinalayas ni Pangulong Duterte ang pamilya Prieto sa Mile Long property na pagmamay-ari ng gobyerno nang hindi magbayad sa upa na umabot sa ilang bilyong piso.
Napilitan din magbayad ang Mighty Corp. ng bilyon-bilyong pisong pagkakautang sa buwis makaraang ibulgar ng Pangulo ang atraso nito sa gobyerno.
(ROSE NOVENARIO)
TAX EVASION CASE
VS MIGHTY CORP
IBINASURA NG DOJ
IBINASURA ng Department of Justice ang P37.9 bilyon tax evasion case laban sa cigarette manufacturer Mighty Corp makaraan pahintulutan ang tax bureau na iatras ang tatlong reklamo.
Ang Mighty Corp, inakusahang nagpeke ng tax stamps, ay nag-alok sa gobyerno ng P25 bilyon settlement, at sinabing titigil na sila sa tobacco business.
Nag-ugat ang reklamo mula sa tatlong raid na isinagawa sa bodega ng Mighty sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, at General Santos City mula Marso hanggang Mayo ng taong ito, ayon sa dalawang pahinang resolusyon na may petsang 2 Oktubre.
“It behooves this office to grant the motion if only to promote the greater interest of the parties involved,” ayon sa resolusyon.