ITINATAG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa bisa ng nilagdaan niyang Executive Order No. 43, kahapon.
Responsibilidad ng PACC na magsagawa ng lifestyle check sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na itinalaga ng Pangulo sa loob at labas ng sa-ngay ng ehekutibo.
Magsusumite ng rekomendasyon ang PACC kay Pangulong Duterte hinggil sa resulta ng kanilang lifestyle check sa sino man presidential appointee at ang Pangulo ang magpapasya kung anong parusa ang ipa-pataw sa kanya o kung ipapasa sa Department of Justice (DoJ) para sa mas malawak pang pagsisiyasat at posibleng kasong isasampa sa opisyal.
Habang ang isinailalim sa lifestyle check na opisyal na hindi mula sa sangay ng ehekutibo ay hindi maaaring patawan ng parusa ng Pangulo ngunit ang natuklasan ng PACC sa kanilang pag-iimbestiga ay puwedeng magamit na ebidensiya ng sino man na nais sampahan ng kaso ang opisyal.
Isasagawa ng PACC ang lifestyle check ng “motu propio” o kahit walang maghain ng reklamo laban sa opisyal.
Ang trabaho ng PACC ay tulad ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) na binuo noong administrasyong Arroyo.
(ROSE NOVENARIO)