UMALIS na sa pangangalaga ng ABS-CBN 2 si Jason Abalos. Nag-decide siyang lumipat sa kalaban nitong network na GMA 7. Isa na siyang Kapuso artist matapos niyang pumirma ng exclusive contract sa GMA 7 noong Martes, October 3.
At bilang pag-anunsiyo ng kanyang paglipat sa network, nag-post ang binata ng larawan ng haparan ng building ng GMA Network Center. Sa Twitter post naman ng GMA News, makikitang kasama ni Jason sa kanyang contract signing sina GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable at GMA Artist Center PresidentGigi Santiago-Lara.
Sa isa pang larawan, kasama naman nila si GMAAC AVP for Imaging and Branding Simon Ferrer.
Ano kaya ang nagtulak kay Jason para maisipang iwan ang Kapamilya Network at lumipat sa Kapuso Network to think na inaalagaan naman ng una ang kanyang career?
Katatapos nga lang siyang mapanood sa seryeng Langit.. Lupa, na isa siya sa bida rito. Sana nga lang ay tama ang naging desisyon ni Jason na lumipat sa Siete. Sana ay maalagaan ang kanyang career.
Baka matulad lang siya sa ibang talent ng Dos na lumipat sa Siete na sa bandang huli ay nagdesisyon ding bumalik sa Dos dahil hindi naaalagaan ang kanilang career.
Sana nga ay walang pagsisihan si Jason sa naging desisyon niyang ito.
Andres Vasquez, iniwan na
ang pagiging wholesome
KASAMA si Andres Vasquez, produkto ng artista search ng GMA 7 na Protége sa stage play na Solo Para Adultos (For Adults Only), na gumaganap bilang si Nicolas, isang stripper/macho dancer na nangangarap maging isang malaking artista.
Ipinaliwanag ni Andres kung bakit sa kabila ng pagiging wholesome ng image niya ay tinaggap niya ang nasabing role.
“Siguro tapos na po ako roon sa pa-tweetums, pa-cute, iba naman ang gusto kong gawin. Kasi tumatanda na rin naman ako, hindi na ako bata. Siguro mas maganda na i-push ko na ‘yung ganitong klase ng role. At saka hindi naman ito ‘yung first time ko, mayroon akong nagawang movie na ‘Working Beks’. Man to man pa nga po ‘yun, eh. Ka-parter ko roon si Prince Stefan,” sabi ni Andres.
Para magampanang mabuti ang kanyang role, nagpunta pa sa isang gay bar si Andres para pag-aralan kung paano ang tamang kilos at pagsasayaw ng isang macho dancer.
Bukod kay Andres, kasama rin sa Solo Para Adultos sina April ‘Congratulations’ Gustillo, na gumaganap bilang si Veronica Fox na isang Porno Queen, Vivo Ouano bilang si Alfred na isang masahista, John Raspado bilang si JV San Miguel na isang matinee idol, Tori Garcia bilang si Georgina na isang Scandal Queen).
Ang Solo Para Adultos ay istorya ng pagmamahal, sex, paghihiganti, pangarap, at pag-asa. Ito ay sa panulat nina AJ Rollon, James Golla, at Alejandro ‘Bong’ Ramos. Ito ay prodyus ni Yuan Barron Ho under Red Lantern Productions. Ang production manager naman ay si Domingo Almoete. Magsisimulang ipalabas ito sa October 20 sa Music Museum sa Greenhills, San Juan na iikot sa Pilipinas hanggang February 2018. Para sa ibang detalye at tiket tumawag sa TicketWorld 8919999 o mag-log sa www.ticketworld.com.ph.
MA at PA
ni Rommel Placente