PINATAWAN ng suspensiyon ng Meralco Bolts si Kelly Nabong makaraan ang alitan kontra sa assistant coach na si Jimmy Alapag.
Magugunitang sa Game 1 ng PBA Govs’ Cup semis sa pagitan ng Bolts at Star Hotshots noong linggo ay nagkakomprontahan si Nabong at si Alapag sa time-out na krusyal na hinahabol ng Meralco ang 11 puntos na pagkakabaon sa huling limang minuto.
Naawat ang dalawa ngunit nagmatigas pa rin si Nabong at hindi sumama sa huddle ng Meralco nang magawa niyang makabangon tungo sa 72-66 panalo sa Game 1.
Hindi rin pinaglaro si Nabong sa 98-74 pagtambak ng Meralco sa Star para sa malaking 2-0 bentaha sa serye at makalapit nang isang panalong lamang mula sa pagbabalik sa Finals matapos ang pagyukod kontra Ginebra noong nakaraang taon.
“Kelly Nabong is suspended indefinitely for conduct unbecoming of a PBA player and for conduct detrimental to the team,’ nakasaad sa pahayag na inilabas ng Meralco management kamakalawa.
Si Nabong ay napili bilang 17th overall pick noong 2012 ng Rain or Shine bago nalipat sa Globalport noong 2013 hanggang 2015 at sa Meralco buhat ng taong yaon.
Matatandaan na noong 2013, ang Filipino-American ay nasa Batang Pier pa ay nasangkot sa suntukan kontra kay Marc Pingris ng San Mig Coffee (ngayon ay Star) na nagresulta rin sa multa at suspensiyon.
Samantala, tatangkaing walisin ng Meralco ang serye ngayon upang makatuntong sa Finals at makaabang ng mananalo sa Ginebra kontra TNT. Pangungunahan ni Allen Durham na nagkamal ng 18 puntos, 25 rebounds, limang assists at tatllong supalpal ang misyon ng Bolts. (JBU)
