NIYARI ang sariling bayan at ‘pinadugo’ ang Filipino ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno nang maging abogado ng gobyerno sa kaso laban sa Philippine International Air Terminals Co. Inc. (PIATCO).
Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales na magbulatlatan sila ng bank accounts at isama ang kinita ng Chief Justice sa PIATCO case.
“I’m giving the Ombudsman and the Chief Justice an option: mag-resign tayong tatlo sabay-sabay, dalhin ninyo ‘yang inyong bank accounts, lahat, pati ‘yung Piatco receiving mo, magkano ang ano mo. Ang nagbayad ng attorney’s fees niya, ang gobyerno. Tingnan mo kung gaano kalaki,” anang Pangulo sa press briefing kahapon sa Palasyo.
“Ang kliyente niya pinadugo niya. Filipino. Magtanong kayo ng abogado. Sabihin, wala kayong kaibigang abogado. Niyari niya ang sarili niyang bayan,” ani Duterte hinggil kay Sereno.
Si Sereno ang nagsilbing private lawyer ng Department of Transportation and Communications (DoTC) nang idemanda ng PIATCO para sa danyos sa pagtatayo ng Ninoy Aquino International Terminal 3 noong 2003.
Dininig ang kaso sa International Court of Arbitration of the International Chamber of Commerce (ICC) sa Singapore.
Batay sa impeachment case na inihain ni Atty. Lorenzo Gadon laban kay Sereno, binayaran ng US$745,000 o P37 milyon ng DoTC bilang lawyer’s fee ang Chief Justice at hindi ito idineklara sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
(ROSE NOVENARIO)