ILEGAL ang pangangalap ng ebidensiya ng Office of the Ombudsman laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at idinaan lang sa ‘pindot.’
Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa sa harap ng mga sundalong binisita niya sa Marawi City.
Ang paglalabas aniya ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang ng umano’y bank account niya na galing sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC) ay ilegal, pinindot lang at lahat nang lumabas na numero ay ‘pinlus’ upang umabot sa bilyon-bilyong piso.
Giit ng Pangulo, nakahanda siyang dalhin sa Kongreso ang kanyang bank accounts ngunit dapat ay sabay nilang gawin ito ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
“Kaya ito, hamon na ito. E kung gusto mo talaga ‘yung totoo lumabas, punta tayo doon sa Congress, ako dalhin ko ‘yung sinasabi nila na account. Kasi inilabas nila in violation of — illegally obtained. Pinindot lang nila doon tapos paglabas pinlus (plus), plus, plus, plus nila araw-araw. ‘Yung time deposit good for 30 days tapos iano mo, i-renew mo, every renewal added ‘yan. So talagang aabot nang bilyon. Sabi nga ng AMLC, wala silang authority. Wala silang authority ibinigay para ilabas,” anang Pangulo.
Hinamon din niya ang lahat ng taong-gobyerno na sabayan siya sa pagbuyangyang ng bank accounts upang malaman ng publiko kung sino ang mga tunay na magnanakaw.
Ang ginawa aniyang taktika ng Ombudsman nang patalsikin si Chief Justice Renato Corona ay ginagawa sa kanya ngayon.
“I am sorry to bring this up because I am reiterating my call because of the media. I am reiterating my demand that si Carpio resigns, because they use ‘yung papel na evidence. It’s AMLC. The… ‘Yung Money Laundering Council could only issue. Kinuha nila, pinindot doon tapos ini-add nang ini-add. ‘Yun ang ginawa nila kay Corona. ‘Yun ang ginawa nila kay Corona. But Corona was not given a chance really to — ginawa nila kay Corona ‘yun at sa iba,” giit niya.
REKLAMO VS CARANDANG
ISINAMPA SA MALACAÑANG
NAGHAIN ng kasong administratibo sina dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras at dating Biliran Rep. Glenn Chong laban kay Carandang sa Office of the President kahapon.
Anila, nilabag ni Carandang ang Section 3, paragraphs e at k ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Law.
Nakagawa anila si Carandang ng “grave misconduct, gross dishonesty, at gross negligence constituting betrayal of public trust.”
“Parang they’re synchronized to destabilize this government. Maybe they want power grab or whatsoever. Kaya obvious na obvious na itong si Carandang, appointed ito ng mga yellow, ang behind talaga nito ay si [Ombudsman Conchita] Carpio-Morales,” anila sa ambush interview sa Palasyo.
“Kasi hindi naman gagalaw itong si Carandang kung walang go signal ni Carpio Morales,” dagdag niya.
“Napakasinungaling pa nitong Carpio-Morales. Sabi pa niya nag-inhibit siya kasi kamag-anak niya ‘yung… son-in-law ni President Duterte. Pero ang sa katotohanan niyan she’s really the one behind all these maneuvers,” ani Paras.
ni ROSE NOVENARIO