BAGAMAT sinasabing 50 percent na ang natatapos sa pelikulang idinidirehe ni Coco Martin, ang Ang Panday handog ng CCM Productions at entry sa Metro Manila Film Festival 2017, naglaan ng tatlong araw ang actor/director para hindi sila magahol sa oras at umabot sa deadline.
Sinasabing three times a week na ngang mag-shoot si Martin ng Ang Panday na dati’y once o twice a week lang.
Kinailangan nila ang maglaan ng maraming araw dahil habang tumatagal, lumalaki ang mga eksena sa pelikula.
Ayon sa production, may mga eksena silang inaabot ng dalawang araw bago matapos. Iyon ay dahil sa pagiging metikuloso at mabusisi ni Martin.
Napag-alaman pa naming bukod sa pagiging bida at director ng pelikula, si Martin na rin ang halos nagsusulat ng script.
“Consistent si Coco sa pagiging mabusisi, walang mintis. Akala namin, sa una lang. Pero habang tumatagal, mas nagiging istrikto siya sa detalye ng pelikula. ‘Pag report niya sa location, may mga bago siyang idea na baon,” anang production staff na nakausap namin.
At kahit 80 na o higit pa ang mga artistang kasama sa Ang Panday, tiniyak ni Martin na hindi basta cameo role lang ang gagampanan ng mga actor na kinuha niya.
“May katuturan, bahagi sila ng kuwento. Kahit malaki o maliit, mapapansin sila at tatatak. ‘Yun ang sinasabi ni Coco kapag gusto niyang kunin ang isang artista sa pelikula niyang ‘Ang Panday’
.
Kaya naman nakatitiyak tayo ng isang matinong pelikulang pampamilya ngayong Kapaskuhan. Iyon kasi ang nais ipahatid ni Coco sa mga pamilyang manonood ng kanyang pelikula na may aksiyon, drama, katatawan, at horror.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio