HINDI napigilang hindi maluha ni Ai Ai Delas Alas noong grand presscon ng pinakabago niyang pelikula mula Cineko, ang Besh and the Beshies na pagsasamahan nila nina Zsa Zsa Padilla, Beauty, at Carmi Martin na mapapanood na sa Oktubre 18 at iri-release ng Regal Entertainment.
Naiyak si Ai Ai habang ikinukuwento na hangad ng kanyang ina na mailakad siya sa altar.
“Noong isang araw, medyo na-accident siya (nanay), so ‘yung kamay niya, medyo namaga. Tapos, pumunta siya roon sa doktor namin. Ang sinasabi niya talaga, ‘gusto kong gumaling, kasi gusto ko ‘yung anak ko, mailakad ko sa altar’. Masyonders na siya, eh,” naluluhang sambit ni Ai Ai na gaganap na Charla sa Besh and the Beshies, isang single mom na hoping na mabuo ang pamilya.
Sa December na gaganapin ang kasal ni AiAi sa boyfriend niyang si Gerald Sibayan at nahilingan itong magdetalye ng ilang bagay sa kanilang kasal.
“’Yung sa kasal namin, may mga kaunti lang na friends (invited) from the media pero mayroon akong party exclusively for press friends and the media. Mayroon kaming pa-party ni Gerald na lahat iimbitahan namin, mga super-friends, slight friends. At saka, parang reception na rin ‘yun and birthday namin pareho. So, nakalaan na ‘yun para sa press friends namin. Para walang magtampo, alam mo ‘yun?” anang magaling na aktres.
Giit ng Comedy Queen, dream wedding niya ang maikasal sa simbahan ganoon din ang kanyang ina.
Natakot
kay Direk Joel
Lamangan
Nang matanong naman si Ai Ai sa kung paano niya gustong maisulat ang bago niyang pelikula, sinabi nitong itoý ukol sa women empowerment at naiiba ang atakeng ibinigay niya bagamat madalas na siyang gumagawa ng mga comedy film.
Natutuwa pa si Ai Ai na nakipagsabayan sa kanya sina Zsa Zsa, Beauty, at Cami kaya naman lumabas na todo-aliw ang buong pelikula.
Aniya, natakot siya sa kanilang director na si Joel Lamangan dahil may pagka-perfectionist ito. Medyo nahirapan nga rin siya dahil ýung timing na gusto at hinihingi ng kanilang director ay dapat at akma sa kagustuhan niyon.
“Medyo nagde-demand siya na kapag hindi niya gusto ang eksenang naibigay namin. Kailangan ulit-ulitin. Hindi kailangan okey na ‘yan. Kailangan uulit-ulitin talaga niya ng ilang beses,” paglalarawan pa ni Ai Ai kung paano magdirehe ng comedy si Lamangan.
Aniya pa, “’Yung timing na gusto niya kailangan mong makuha eh, hindi ‘yung timing mo. Hindi lang naman ako ang nagpe-perform, apat kami, marami kami, kaya kailangan mag-tally lahat ang timing namin dahil kung hindi, hindi maganda ang eksena.”
Sinabi pa ng magaling na komedyante na masyadong iba ang style ni Lamangan. “Dahil perfectionist siya, kailangan makuha mo ang gusto niya. Hindi kailangan ‘yung kaya mo, kailangan makaya mo ‘yung gusto niya. Masyadong iba, ibang-iba ang style niya.”
Bonus ang kolaborasyon
nina Lamangan at Lee
Samantala, kung winner ang pagsasama nina Ai Ai, Carmi, Beauty, at Zsa Zsa, dagdag bonus ang kolaborasyon nina Lamangan at Ricky Lee para mabuo ang pelikulang ito. Mas kilala man sila sa paggawa ng obrang nagpaiyak, panalo rin ang gawa nila nang sumabak sa paggawa ng comedy.
Si Lamangan ang nagdirehe ng Zsa Zsa Zaturnah at Mano Po 4: Ako Legal Wife gayundin ang mga romantic comedy na Your Place or Mine, That Thing Called Tanga Na, at Foolish Love. Si Lee naman ang nagsilbing script consultant sa Ang Tanging Ina at Ang Tanging Ina N’yong Lahat. Siya rin ang sumulat ng script ng concert ni Ai Ai na Ai Ai Who Have Nothing.
Dito sa Bes and the Beshies, si Lee ang sumulat nito kasama sina Alpha Habon at Rod Marmol.
Ang Bes and the Beshies ay isang powerhouse cast at pelikulang may kurot sa puso na relatable sa lahat, katangi-tangi pa na tiyak comedy times four ang hatid mula simula hanggang katapusan. Kabilang din sa cast sina Emilio Garcia, Sancho Vito Delas Alas, Alan Paule, Nikko Natividad, Jon Lucas, Wilbert Ross, Mark Joseph Tam, at Heaven Peralejo.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio