HINDI matanggap ng mga dilawan ang pagkatalo sa 2016 presidential election kaya ginagawa ang lahat ultimo pakikipagsabwatan sa Ombudsman at kaliwa para pabagsakin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao City Chapter kamakalawa ng gabi sa Davao City, ibinulalas ni Duterte ang aniya’y mga pakana ng oposisyon para pababain siya sa puwesto, gaya nang paglalako ng mga palsipikadong dokumento para palabasin sa publiko na siya’y magnanakaw.
Anang Pangulo, ginagawa sa kanya ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang ginawa noon kay dating Chief Justice Renato Corona nang patalsikin sa puwesto gamit ang mga imbentong ebidensiya.
Giit ng Pangulo, noong impeachment trial laban kay Corona para palabasin na may kuwestiyonableng yaman ang Chief Justice na hindi idineklara sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN), pinagsama-sama ang lahat ng deposito sa kanyang bank accounts sa nakalipas na mahabang panahon, hindi ibinawas ang mga withdrawal, para lumabas na napakalaki ng itinagong kuwarta sa banko.
Matatandaan, sa impeachment trial ni Corona ay tumestigo si Ombudsman Conchita Carpio Morales at sinabing umabot sa US$12 milyon ang pera sa banko ng Chief Justice ngunit anang Punong Mahistrado, ilang milyong dolyar lang at galing sa pagsisikap nilang mag-anak.
Ang Liberal Party na pinamumunuan ni noo’y Pangulong Benigno Aquino III ang nagpasimuno ng impeachment kay Corona at bukod sa mga dilawan ay kasama sa naging prosecutor na mambabatas ang noo’y Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenraes.
Nanindigan si Duterte na hindi magpapaimbestiga sa Ombudsman bagkus ay hinamon sina Morales at Chief Justice Ma. lourdes Sereno na sabay-sabay silang magbitiw at isumite sa Kongreso ang kanilang resignation letter ngunit ang militar ang magpapasya kung tatanggapin ito upang hindi magkagulo ang bansa.
Napikon si Duterte sa pagpupumilit nina Morales at Sen. Antonio Trillanes IV na may ibinigay na sa kanilang bank records ng Pangulo mula sa Anti-Money Laundering Council sa kabila nang pagtanggi ng AMLC sa isang kalatas noong Huwebes.
Nagbabala si Duterte na magtatayo ng komisyon na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa Tanggapan ng Ombudsman.
(ROSE NOVENARIO)