KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, inalok niya kay Martin Diño na maging Department of Interior and Local Government (DILG) undersecretary for barangay affairs.
Sa panayam kagabi sa Pangulo sa PTV4, sinabi niya, upang maiwasan ang bangayan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na chairman si Diño at administrator si Wilma Eisma, at para na rin sa interens ng bayan ay hiniling niya kay Diño na magparaya na lang at inalok niya ng DILG undersecretary (usec) post.
Ang pag-amin ng Pangulo ay taliwas sa sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na walang inalok na puwesto kay Diño sa DILG at kung mayroon man ay naigpawan na ng mga kasalukuyang pangyayari sa SBMA.
“Kailangan i-fuse ko position niya at pati ‘yung position ng administrator kasi… kasi there’s bickering so I have to explain. It was not really the fault of Diño neither of the administrator but in the name of public interest, for the cohesive office, finuse ko, pinagdikit ko nang isa. But I offered him the undersecretary, ‘yun talagang sanay siya. Barangay captain, dito ka, ‘yun lang. Wala namang issue diyan,” anang Pangulo sa bagong posisyon na inialok niya kay Diño.
Nilagdaan kamakalawa ni Duterte ang Executive Order No. 42, nagtatakda na iisang opisyal na lang ang magsisilbing chairman at administrator ng SBMA. Naging kontrobersiyal ang pagtatalaga ni Duterte kay Diño bilang chairman ng SBMA sa kabila na nakaupo si Eisma bilang administrator ng ahensiya.
Si Diño ay dating chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at miyembro ng Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP) Laban, na naghain ng certificate of candidacy for president noong May 2016 elections.
Makaraan ang ilang buwan ay pinalitan ni Duterte si Diño bilang standard bearer ng partido.
(ROSE NOVENARIO)