NAGKABATI na sina Aiko Melendez at Ara Mina nang magkita sa burol ng ama ng movie columnist na si Rommel Placente noong Sabado ng gabi sa St. Peter, Kamuning, QC.
Matatandaang nagkaroon ng gap sina Aiko at Ara noong makarelasyon ni Ara ang dating asawa ni Aiko na si Jomari Yllana.
Naging ama ng baby ni Ara ang ex-boyfriend ni Aiko na si Mayor Patrick Meneses.
“Hindi nila alam na magkikita sila friend. Ako nga ang nag-aalangan kanina. Buti na lang super tsika to the max. Pero sabi nagpapakiramdaman muna,” text- tsika sa amin ng kaibigang Rommel nang tanungin namin kung paano nangyari ang pagbabati.
Balita rin na tatawagan ni Ara si Sunshine Cruz para lumabas silang tatlo ni Aiko. Supposed to be ay kagabi pero hindi natuloy at i-sched na lang.
May kuha ang dalawa na magkatabi sa Facebook account ni Ogie Diaz na kasama rin si Papa O. Ang caption ay, ”Past is past. The important is now. Nice to see them na tsikahan nang tsikahan. All is wel that ends well. #Nice. Sa burol pa talaga nangyari ha? Hehehe”
May photo rin ang PMPC President na si Fernan De Guzman na magkasama sina Aiko at Ara. Mababasa ang, ”Small World…chikahan to the max..si Emilia (pangalan ni Aiko sa “Wilflower) at si Immaculada (pangalan ni Ara sa bago niyang pelikula).”
Anyway, siguradong uuriratin si Aiko sa pagbabating ito sa kasagsagan ng promo ng pelikula niyang New Generation Heroes na ipalalabas sa October 4. Isa itong advocacy film na tumatalakay sa values formation, rights to proper education, pagpapahalaga sa mga guro, at mga taong itinuon ang sarili sa pagtuturo. Ito ay base sa tunay na pangyayari at ang ilang eksena ay kinunan pa sa Korea.
Tampok din sina Ms. Anita Linda, Jao Mapa, Joyce Penas Pilarsky, Dexter Doria, Debraliz Valazote, Alvin Nakkasi, Aleera Montalla, Rob Sy, at JM Del Rosario. Ito ay sa direksiyon ni Anthony Hernandez.
May premiere night sa Sept. 29, 2017 sa SM Mega Mall, 6:00 p.m. sa Cinema 7.
Timing din ito sa pelikula ni Ara na katatapos lang, ang Immaculada under BlankPages Productions at Royal Films Productions na kasama sina John Estrada, Elizabeth Oropesa, Akihiro Blanco, Elijah Canlas. Ito ay sa direksiyon ni Arlyn dela Cruz.
Ian, tumanda
at tumaba dahil
sa pagiging ngarag
KAIILANGAN talagang magpahinga si Ian Veneracion dahil mukhang ngarag at pagod ang hitsura sa mga huling episodes ng A Love to Last. Hitsurang tumanda at tumaba ang mukha.
Hindi namin nakita ‘yung pagka-yummy niya gaya noong nag-uumpisa ang serye. Kailangan niya talaga na magpa-fresh muna, huh!
JLC, nagrerebelde
PINAG-UUSAPAN pa rin si John Lloyd Cruz sa kanyang mga post sa Instagram account.
Hindi masakyan ng karamihan ang mga pinaglalagay niya sa kanyang IG. ‘Yung iba turned off, yung iba ay natatawa, nagugulat, at napapailing na lang.
Hitsurang sinasadya na ni Lloydie na magpasaway sa kanyang IG account na animo’y nagrerebelde.
Pinagtatalunan din kung ebak ba talaga ‘yung ipinost niya o kaya ay longganisa?
Hindi rin masakyan ng mga katoliko ang crucifix na nasa IG niya.
Pero sabi nga walang basagan ng trip. Walang pakialaman kung gustong magpaka-art o kung ano ang gustong i-post ng Home Sweetie Home star.
Mas safe si John Lloyd at ang image niya ‘pag tumigil na siya sa social media at hindi na maging aktibo sa kanyang IG account.
Oo nga!
Neil, pagagawan
ng script
si Angel kay Bela
BUONG ningning na sinabi ng N2 Production producer na si Angel Locsin ang unang nakabasa ng istorya ni Bela Padilla para sa Last Night na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga.
Hindi pa hiwalay sina Neil at Bela noong umpisahang i-conceptualized ang Last Night. At sa mga hindi nakaaalam, nali-link ngayon si Neil kay Angel.
Maingat at napangiti na lang si Neil nang tanungin kung puwede ba niyang iprodyus ng pelikula si Angel at ang ex-girlfriend na si Bela ang scriptwriter.
“Tanong ko sa kanya,” pakli ni Neil nang tanungin kung hindi ba nag-request si Angel na igawan rin siya ng script para sa isang movie.
Anyway, kasosyo ang N2 Productions at Spring Films ang Star Cinema para sa pelikulang Last Night na showing sa September 27.
Devon, nagpaka-trying
hard makatrabaho lang
ang 2 Koreano
“ACTUALLY, mababait sila, they are very caring and gentlemen talaga. Masaya rin silang makasama. Sabay-sabay kaming kumakain, nakikipag-chicahan din sila,” deklara ni Devon Seron sa dalawang Korean stars na leading men niya na sina Hyun Woo at Jin Ju-Hyung para sa pelikulang You With Me.
Pero ayaw niyang mag-assume sa pagiging maasikaso ng dalawa na may gusto ang mga ito sa kanya. May chism kasi na parehong nagkakagusto sa kanya ang dalawang Koreano. Getting to know each other ang status nilang tatlo.
Paano niya isasalarawan ang dalawang leading men?
Nakakapag-English si Ju-Hyung at seryosong tao. Nakakausap niya ito ng seryosohan. Nakakapag-discuss sila ng mga personal na bagay. Si Hyun Woo naman ay masayahing tao at maalaga rin.
Samantala, aminado si Devon na nag-gatecrash siya sa audition ng pelikula. Hindi siya part ng list ng mga auditionist. Nalaman lang niya ito sa friend niya na make up artist ng production. Nagpasa siya ng requirements, larawan, at hindi niya alam na makakasama sa movie ang mga Korean star. Ang akala niya ay indie movie ang gagawin at mga Filipinong artista lang ang cast pero kukunan sa Korea.
“Noong nag-audition po ako, sinabi po sa akin na sa Korea po gagawin tapos ‘yung mga kasama ko ko Korean. So, ako naman na-challenge ako, parang, wow! Paano kaya ‘to? Paano ko kaya gagawin ‘to? Nalito rin po ako and nahirapan din ako na i-imagine ‘yung sarili ko in that position,” bulalas ni Devon.
TALBOG
ni Roldan Castro