NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte na pagbabawalan ang Philippine Airlines na gamitin ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kapag hindi nagbayad ng utang sa gobyerno sa loob ng 10 araw.
Sa kanyang talumpati sa Manila Hotel, nagbigay ng warning si Duterte, hindi lang si tycoon Lucio “El Kapitan” Tan kundi maging sa mga pribadong kompanya na nag-ookupa sa mga ari-arian ng pamahalaan na magbayad ng atraso sa gobyerno.
Anang Pangulo, tinanggihan niya ang kuwartang inialok sa kanya ng malalaking negosyante noong presidential elections dahil ayaw niyang magkaroon ng utang na loob sa kanila.
“Pay the tax correctly.” Iyong isa rito ano, sabi niya—I did not accept. I did not accept his money. He is a contributor. At sabihin ko na. Lucio Tan, donor of funds. Sabi ko, “No?” Sabi ko, “Thank you, but—” And other guys there. Sabi ko, you are using government buildings, airport, you have a back… back—utang diyan sa runway ‘di mo binabayaran.” Sabi ko, “You solve the problem yourself. I will give you 10 days. Bayaran mo, ‘pag hindi mo bayaran, e ‘di sarhan ko.” Wala nang airport. So what?” ani Duterte.
Giit ng Pangulo, wala siyang pakialam kung hindi makasakay ng eroplano ang mga pasahero mula Luzon hanggang Davao kapag ipinasara niya ang paliparan.
Ang PAL ang bukod-tanging gumagamit sa NAIA Terminal II.
“I do not mind. If we sink, we sink. But I said, ‘we have to enforce the law.’ So guys, you guys, if you are put into a great discomfort, sorry. I can’t do anything about it. The law is the law. It is the law,” aniya.
Matatandaan noong Abril, inihayag ni Duterte na may dapat na bayaran na P30 bilyones sa gobyerno si Tan sa utang niya sa buwis.
ni ROSE NOVENARIO