PINABALIK na sa kanilang tahanan ang mga bakwit na lumikas sa kasagsagan ng bakbakan ng militar at New People’s Army sa paligid ng Mt. Banoy sa Batangas City.
Sa panayam ng Hataw kay Col. Arnulfo Burgos, 202nd Infantry Brigade commander, sinabi niya na inabisohan na nila ang mga bakwit na bumalik sa kanilang mga bahay at maging ang mga klase sa 15 paaralan ay balik na sa normal.
Ang pag-abandona aniya ng masa sa NPA sa Mt. Banoy sa kasagsagan ng bakbakan ay patunay sa humihinang suporta sa mga rebelde.
“The fact that they left the NPA fighters without any support and mass base in the middle of the firefight signifies their waning belief to the insurgents’ false ideology,” ani Burgos.
Ikinalungkot aniya ng militar ang muling pag-alingawngaw ng black propaganda ng Karapatan human rights group laban sa AFP gayong wala umanong nilabag sa Konstitusyon ang militar sa pakikipaglaban sa NPA.
Nanawagan si Burgos kay Rev. Edwin Egamonitors na tiyakin ang patas at transparent na imbestigasyon sa fact-finding mission na inilunsad ng Human rights group hinggil sa naganap sa Mt. Banoy.
Giit niya, may “inherent right” ang mga mamamayan na mamuhay nang mapayapa sa isang demokratikong lipunan.
Itinanggi ni Burgos ang pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) kamakalawa na pagbibigay proteksyon sa mining operations ang ugat nang pagsalakay ng militar sa kampo ng NPA sa Mt. Banoy noong Linggo ng umaga.
(ROSE NOVENARIO)