KINONDENA ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang walang habas na pagbabagsak ng bomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa New People’s Army (NPA) sa mga barangay sa paligid ng Mt. Banoy sa Batangas City.
Sa kalatas ng CPP, inihayag na ang “indiscriminate aerial bombardment” sa paligid ng Mt. Banoy ay nagdulot ng malawakang paglikas ng mga residente mula sa kanilang mga tahanan.
Anang CPP, ang masang magbubukid sa paligid ng Mt. Banoy ay mahigpit na tinututulan ang mining operations at ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa at kalikasan.
Mula noong Linggo ay ibinubuhos ng militar ang kanilang puwersa, “air, land and sea,” at ng pulisya, para tugisin ang isang pangkat ng NPA na naka-enkuwentro sa Batangas City, may 94 kilometro ang layo sa Metro Manila.
Samantala, sa isa pang statement ay binansagan ng CPP si Pangulong Rodrigo Duterte bilang numero unong recruiter ng NPA dahil sa iwinawasiwas na walang humpay na mga giyera na nagtutulak sa mga mamamayan sa landas tungo sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Sa harap anila ng lumalakas na pagtutol ng publiko at tumitinding desperasyon ni Duterte na supilin ang kilusang protesta, ang martial law pa rin ang isa sa pangunahing baraha niya sa kanyang pagsusugal para mangunyapit sa kapangyarihan at ipagpatuloy ang umano’y ‘tyrannical rule’ hanggang 2025.
“Doing so, however, will definitely boomerang on him as this will sooner than later incite ever bigger protest actions. Moreover, considering the fractiousness of the AFP and PNP, a declaration of martial law is sure to provoke his rival reactionaries inside and outside the military and police to mount a coup,” pahayag ng CPP.
ni ROSE NOVENARIO