HINDI itinuloy ang pangalawang araw ng tigil-pasada o transport strike na inilunsad ng Stop and Go Coalition, na sinimulan nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa ulat, ito ay dahil hindi naging tagumpay ang nasabing kilos-protesta ng nabanggit na grupo ng transportasyon at hindi nagawang paralisahin ang transportasyon sa Metro Manila, maliban lamang sa ilang piling lugar.
Sinasabing umabot lamang sa 200 pasahero sa Metro Manila ang naapektohan ng inilunsad na tigil-pasada.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), ilan sa mga lugar na apektado ng tigil pasada ay Sta. Ana, Valenzuela, at ilang lugar sa bahagi ng Paco, Maynila.
Ayon kay Jun Magno, convenor ng naturang grupo, kinansela nila ang pangalawang yugto ng kanilang transport strike o tigil pasada dahil may inaayos silang bagong hakbang para sa panibagong pagkilos.
Inilunsad ang dalawang araw na transport strike ng grupo kamakalawa ngunit kinansela ang pangalawang araw dahil naging palpak ang unang araw ng kanilang kilos protesta.
(JAJA GARCIA)