HINDI lang pisikal na estruktura ang planong itayo at isailalim sa rehabilitasyon ng Task Force Bangon Marawi kundi pati ang moralidad at kamalayan ng mga bakwit partikular sa aspekto ng masamang epekto ng illegal drugs sa isang tao at sa komunidad.
Sinabi ni Kristoffer James Purisima, deputy administrator for administration ng Office of Civil Defense (OCD), mandato ng TF Bangon Marawi na muling itayo hindi lang ang komunidad kundi maging ang mga buhay ng bakwits o internally displaced persons (IDPs) kaya’t isusulong nila ang anti-drug campaign awareness.
“Ang mandato ng Task Force Bangon Marawi ay hindi lamang to rebuild the community or the buildings, but to rebuild the lives of the IDPs and their families… So this is really a rebuilding of communities, and therefore kasama riyan iyong human aspect. At kung — kasama naman ‘yan sa Human Recovery Needs Assessment, kung mayroon tayong assessment na kailangan nating patatagin ang ating anti-drug campaign doon sa area, gagawin natin iyon,” dagdag ni Purisima.
Ang pahayag ni Purisima ay kasunod nang pagbubulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte na narco-politicians sa Lanao del Sur ang nagpondo sa Daesh inspired Maute terrorist group na ugat ng kaguluhan sa Marawi City.
Komprehensibo aniya ang magiging pagtalakay ng TF Bangon Marawi sa mga bakwit sa masamang epekto ng illegal drugs sa kanilang kalusugan, kabuhayan, pamayanan at sa buong bansa.
(ROSE NOVENARIO)